MANILA, Philippines - Hindi nasayang ang magandang ipinakita nina Nonito Donaire, Jr. at Dennis Orcollo noong 2011 nang hirangin sila bilang Athletes of the Year ng Philippine Sportswriters’ Association (PSA).
Ang taunang parangal ay idaraos sa Marso 3 sa Manila Hotel at nagkaisa ang mga kasaping sports editors at writers mula sa mga malalaking pahayagan at tabloids na igawad ang pinakamataas na parangal kina Donaire at Orcollo bunga ng tagumpay na inangkin sa larangan ng professional boxing at billiards.
Sa buwan ng Pebrero nagsimulang umalingawngaw ang pangalan ng dalawang atletang nabanggit at si Donaire ay umiskor ng kahanga-hangang second round knockout win laban sa dating WBC/WBO bantamweight champion Mexican Fernando Montiel na ginawa sa Mandalay Bay Hotel at Casino sa Las Vegas, Nevada.
Si Orcollo ay nagpasikat naman sa Fujairah, United Arab Emirates nang talunin si Niel Feijen ng Netherlands, 10-3, para kunin ang kampeonato sa World 8-ball Championship.
Hindi dito natapos ang magandang laro nina Donaire at Orcollo dahil ang tinaguriang ‘The Filipino Flash’ ay nagtagumpay sa unang pagdepensa sa titulo laban kay Omar Andres Narvaez na tinalo niya sa pamamagitan ng unanimous decision noong Oktubre, habang sinungkit ng pool player na tinaguriang ‘Robocop’ ang gintong medalya sa 26th SEA Games sa Indonesia noong Nobyembre.
Ito ang ikalawang Athlete of the Year awards nina Donaire at Orcollo at ang una ay pinarangalan noong 2007 nang nakasama si swimmer Miguel Molina, habang ang huli ay nakasama sina bowler Biboy Rivera, pool wizard Francisco Bustamante at boxer Rey Saludar noong nakaraang taon.
Sa pangyayari, si Orcollo ang ikaanim na atleta ng bansa na nakadalawang sunod na Athlete of the Year award kasama sina bowler Bong Coo (1982-84), track queen Lydia De Vega (1986-87), world boxing champion Luisito Espinosa (1989-90), golfer Dorothy Delasin (2000-01) at 8-division world champion Manny Pacquiao (2002-04 at 2008-09).