Guarte bumandera sa 'Takbo para sa Edu-Misyon'

MANILA, Philippines - Pinangunahan ni SEA Games silver medalist Mervin Guarte ang mga nanalo sa idinaos na Stags Run 2 kahapon sa ASEA­NA City sa Macapagal Boulevard.

Isa ring mag-aaral ng San Sebastian College, ipi­nakita ni Guarte ang por­mang nagbigay sa kanya ng pilak sa 800-meter at 1,500m events sa Indonesia noong nakaraang Nobyembre nang kunin ang oras na 10:36.52.

Halos dalawang mi­nuto ang inilayo niya sa pu­mangalawang si Loemar Ca­spile (12:39.87), habang ang ikatlong puwesto ay na­panalunan ng beteranong runner na si Jujet De Asis (12:47.51).

Bumaba naman si Mercedita Manipol-Fetalvero mula sa dating pinagreynahang 10K tungo sa 5K distansya at dinomina niya ito sa 14:23.08 tiyempo.          

Ang pangulo ng San Sebastian na si Fr. Anthony Morillo, OAR, ang siyang nag­paputok ng starting gun upang simulan ang ka­rerang nilahukan ng mahigit na 5,000 runners na na­kiisa sa ‘Takbo para sa Edu-Misyon’ proyekto ng nasabing paaralan.

Ang perang kikitain ay ila­laan upang itulong sa edu­kasyon ng mga marali­ta sa Puerto Princesa at sa South Africa.

Inangkin naman ni Elmer Sabal ang titulo sa men’s 10-k nang daigin sa rematehan ang da­ting kampeon na si Justin Ta­bunda.

Kumalas si Sabal sa hu­ling 3-kilometro upang solong tumawid sa meta sa 21:57.75 tiyempo laban sa 22:16.55 ni Tabunda.

Si Cinderella Lorenzo ang namayani sa kababaihan sa 27:13.83, habang ang iba pang nagsipanalo ay sina Ferdinand Corpus (6:39.46) at Michelle De Vera (7:48.48) sa 3k karera.

Nanguna sa hanay ng mga atleta ng Baste si Gilbert Bulawan, habang sinaksihan din ang patakbo nina organizing committee chairman Fr. Christopher Mas­para, OAR, at Stags Ath­letic Director Frank Gu­si.

Show comments