MANILA, Philippines - Dahil sa posibilidad na bumuka ang kanyang sugat sa kanang kilay, hindi pa puwedeng makipag-spar si Manny Pacquiao hanggang Abril.
Ito ang sinabi ni Dr. Jeffrey Roth, ang Las Vegas plastic surgeon na tumahi sa sugat ni Pacquiao matapos ang kanilang ikatlong laban ni Juan Manuel Marquez noong Nobyembre 12.
Kinailangan ng 28 tahi para maisara ni Roth ang sugat sa kanang kilay ni Pacquiao.
Samantala, dumating kahapon sa Pilipinas si Bob Arum ng Top Rank Promotions para kausapin ang Filipino eight-division champion kaugnay sa gusto nitong makalaban sa Hunyo.
Sina Mexican Juan Manuel Marquez, Puerto Rican Miguel Cotto at Americans Lamont Peterson at Timothy Bradley, Jr. ang mga maaaring pagpilian ni Pacquiao.
Tangan ng Filipino eight-division champion ang 53-3-2 win-loss-draw ring record kasama ang 38 KOs kumpara kina Marquez (53-6-1, 39 KOs), Peterson (30-1-1, 15 KOs), Cotto (37-2-0, 30 KOs) at Bradley (28-0-0, 12 KOs).
Posible pa ring maplantsa ang banggaan nina Pacquiao at Floyd Mayweather, Jr. (42-0, 26 KOs) sa Nobyembre.
"It could possibly happen and I certainly believe that it will happen this year," sabi ni Arum sa nasabing Pacquiao-Mayweather fight.
Kung lalaban si Pacquiao sa Hunyo, sasagupa naman si Mayweather sa Mayo.
"Now it may very well be that Mayweather's plans will be to take a fight against somebody else on May 5, and then serve his time in prison and then be ready to fight Manny in November. In which case, Manny would fight somebody probably in June and then be ready to fight Mayweather in November," ani Arum.