David bagong superstar ng PBA
Nang maitala ni Gary David ang kanyang ikaapat na sunod na 30-point performance sa Game One ng best-of-seven semifinals series sa pagitan ng Powerade at Rain or Shine, madaling nasagot ang katanungang sino ang huling nakagawa ng 30 puntos o higit pa sa tatlong sunod na games.
Si Nelson Asaytono iyon at ito ay nagawa noong naglalaro pa si ‘The Bull’ sa San Miguel Beer (ngayon ay Petron Blaze).
Well, matagal nang nagretiro si Asaytono na nakapaglaro ng 17 seasons. Huling koponan niya ay ang Red Bull noong 2006. Ilang beses ding naging kandidato si Asaytono para sa Most Valuable Player pero hindi siya nagwagi.
Kaya pa ba ni David na umiskor muli ng 30 puntos o higit pa matapos na pantayan ang record ni Asaytono? Iyon ang tanong ng karamihan ay papasok sa Game Three ng semis.
Well, kailangan talaga ni David na umiskor ng 30 puntos dahil nais ng Powerade na makabawi sa 114-97 pagkatalo nila sa Game One.
At hindi sila binigo ni David. Gumawa siya ng 32 puntos sa Game Two upang makaresbak ang Tigers, 121-113.
Bagong record yata iyon? Iyan ang nasambit ng mga sportswriters bagamat hindi pa naman nila nasusuri ang record books. Hindi pa naiisa-isa ang mga manlalaro. Baka kasi mayroon na ding nakagawa ng apat na sunud-sunod na 30 points, eh.
Anyway, hindi na marahil kailangang suriin ang record books para makita kung may nakagawa na ng apat na sunud-sunod na 30 points. Kasi, noong Linggo ay kumayod na naman nang husto si David at nagtapos na may 31 puntos upang tulungan ang Tigers na makaulit sa Elasto Painters sa overtime, 104-99, at magtala na 2-1 abante sa serye.
Dahil dito ay wala nang nakalaban si David para sa Accel PBA Press Corps Player of the Week award. Hindi na pinagdebatehan ng mga sportswriters ang kanilang pararangalan. Hindi na rin pinagdebatehan kung mayroong makagawa ng ng limang sunud-sunod na 30-point performances.
Huwag nang halughugin ang PBA record books. Walang local na nakagawa nito. Import siguro, mayroon. pero local? Wala!
Kung ikaw si Rain or Shine head coach Joseller ‘Yeng’ Guiao, iisa lang ang problema mo sa seryeng ito. Si David lang!
Pigilin mo si David, mapipigil na (marahil) ang Powerade.
Pero paano nga ba mapipigilan si David? Kapag hindi mo nadepensahang mabuti, titirahan ka sa three-point area. Kapag dinikitan mo, sasalaksak naman at sa lay-up ka papatayin. May dugo na nga sa uniporme ni David, hindi pa rin umaayaw, e. Sugod pa rin ng sugod.
Iniisip tuloy ng karamihan kung bakit hindi ito kabilang sa Top Five contenders para sa Best Player of the Conference award? Well, madali ang sagot dito: No. 8 kasi ang Powerade sa elimination round.
Pero ngayong nasa semifinals na ang Powerade, malamang na kasama na siya sa Top Five. At kung papasok ang Powerade sa best-of-seven Finals, malamang na si David na ang maging Best Player of the Conference.
Marami ang nagugulat sa performance ng Powerade.
At marami ang nakakaalam na ang performance na ito ay bunga ng husay ni David.
Mahigitan kaya niya si Asaytono at maging MVP?
- Latest
- Trending