FESSAP makikipagtulungan sa PSL sa pagsala ng mga swimmers para sa 2013 World Universiade
MANILA, Philippines - Magsisimula na ang Federation of School Sports Association of the Philippines (FESSAP) sa pagpili ng mga swimmers na maaaring ipadala sa 2013 World Universiade sa Russia.
Makikipagtulungan ang FESSAP sa Philippine Swimming League na nasa pangangalaga ni dating Senador Nikki Coseteng at Olympian Susan Papa dahil ang PSL ay magsasagawa ng All-Star University Challenge sa Rizal Memorial Swimming Pool mula sa Marso 24 hanggang 25.
Ang nasabing torneo ang pinakamagandang pagsipatan ng mga posibleng manlalangoy sa Russia dahil ang mga maglalaro rito ay mga collegiate players.
Ang mga mapipili ay ilalagay sa pool na sasanayin para maging palaban sa Universiade.
“We are glad the PSL is helping prepare the candidates for the Universiade Swimming team as early as now,” wika ni FESSAP EVP Robert Calo.
Tiniyak naman ni Papa na makakatuklas ng mga mahuhusay na swimmers matapos ang All-Star Challenge dahil lalahok dito ang mga bigating mag-aaral na manlalangoy.
“This is the chance for varsity students who have not participated in international events like the SEA Games and Asian Games to earn the right and represent the country in the prestigious event like the Universiade. We expect big turnout in our All Star Challenge,” wika ni Papa.
Ang FESSAP ang samahang kinikilala ng International University Sports Federation (FISU) para siyang magpadala ng kinatawan mula sa Pilipinas sa Universiade.
- Latest
- Trending