MANILA, Philippines - Ipinamalas ng CF Internacional de Madrid ang kalidad ng Spanish football nang kunin ang 3-1 panalo laban sa Azkals Alyansa sa idinaos na charity game na ‘Dili kamo nag-iisa’ kahapon sa Rizal Memorial Football Stadium.
Nakitaan ng magandang pasahan, teamwork at tamang spacing para wasakin ang depensa ng home team ng bisitang koponan at sa unang 90 minuto ng tunggalian ay dinomina agad ang laro nang hawakan ang 2-0 kalamangan.
Ang nangungunang scorer ng Internacional de Madrid sa nilalahukang third division league sa kanilang bansa na si Rufino Familiar Sanchez ang bumandera nang hiyain ang depensang inilatag ni Azkals Alyansa goal keeper Eduard Sacapano sa kanyang free kick sa 15th minuto.
Lumawig sa 2-0 ang iskor nang maka-goal si Daniel Garcia Fernandez sa 32nd minute.
Matapos ang first half ay kontroladong-kontrolado ng bisitang koponan ang laban dahil nagkaroon sila ng limang shots na kalamangan sa local team, 9-4, sa goals attempt.
Isang counter-attack ang nagresulta sa ikatlong goal ng Madrid na ibinigay ni Ignacio Buenache Feijoo sa 46th minuto upang mamuro ang bisitang koponan na makahirit ng shutout na panalo.
Pero hindi hinayaan ni Chieffy Caligdong na mangyari ang bagay na ito dahil ang kanyang magandang lob pass na nauwi sa header ni James Younghusband ang naging goal ng Pilipinas sa 62nd minute.
Mas maganda ang inilaro ng home team sa second half dala marahil ng katotohanang nakuha nila ang tamang timpla lalo pa’t pinagsamang manlalaro ng Azkals at mula sa United Football League (UFL) ang bumuo sa koponan.
“It’s a pleasure to come and play the game. But making this special is the fact that we are doing this to help people in need,” wika ni Stephen Newman na chairman at president ng bumisitang koponan.
Pinuri niya ang init ng suporta ng mga manonood na isa sa mga makakatulong upang tuluyang umangat ang interes sa Philippine football.
Maliban sa pagpayag na isagawa ang charity game sa pagtutulungan ng Philippine Football Federation ay nagbigay din ng tulong pinansyal si Newman na nagkakahalaga ng 10,000 Euros.
Ang larong ito ang una sa dalawang charity game na gagawin ng Philippine football dahil sa Enero 21 ay darating naman ang second division team ng Korea para sa isa pang laro para sa biktima ng bagyong sumalanta sa mga taga-Mindanao.