Peek is back!
Iba rin talaga ang naibibigay ni Ali Peek sa Talk N Text!
For a while, marami ang nagsasabi na dapat ay magpahinga na lang muna ng mas matagal itong si Peek matapos na mabaril sa batok dalawang buwan na ang nakalilipas. Hindi pa nahuhuli ang bumaril sa kanya bagamat nag-offer pa ng P500,000 reward ang TNTteam owner na si Manny Pangilinan para maituro ito.
Hindi naman tinanggal ang bala sa batok ni Peek dahil baka makasama pa raw iyon. Hayun at humilom na lang ang sugat at para ngang hindi nahahalata ang peklat, e.
Pero siyempre, marami pa rin ang nangangamba para kay Peek. Kasi nga, nandoon pa ang bala.
Paano kung mabagsakan ito ng siko sa rebound play? Paano kung hindi sinasadyang mataga siya sa batok?
Iyon ang mga nakakatakot na scenario!
Kaya may nagsasabing dapat ay hindi muna maglaro si Peek. Dapat ay intindihin niya ang kanyang kalusugan at kapakanan. Maintindihan naman marahil ng Talk N Text kung patuloy muna siyang magpapahinga.
Pero hindi ganoon ang ginawa ni Peek. Nag-ensayo siyang mabuti matapos na maghilom ang sugat. At sa simula ng best-of-seven semifinal series sa pagitan ng Talk N Text at Petron Blaze ay sumabak na kaagad siya sa aksyon. Kabilang pa siya sa starting unit ni Reyes.
Respectable naman ang performance ni Peek sa kanyang comeback game. Siya ay gumawa ng walong puntos buhat sa 4-of-9 field goals (44 percent). Higit dito ay humugot siya ng siyam na rebounds at nagdagdag ng isang blocked shot sa 20 minuto.
Kaya naman puring-puri siya ni coach Vincent “Chot” Reyes. Ani Reyes, “It’s important that Peek returned. Kasi siya lang ang legitimate center namin. He establishes a good inside presence.”
Napakunot tuloy ng ulo ang ilang nakikinig kay Reyes sa post-game interview matapos ang 87-83 panalo ng Tropang Texters kontra Boosters noong Huwebes sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Hindi ba sentro si Japhet Aguilar? Aba’y mas matangkad si Aguilar kay Peek, di ba?
Hilaw pa nga lang siguro si Aguilar sa PBA. Pero kapag nahinog na ito, hindi na hahanap ng legit center si Reyes. E, kung hindi bumalik si Peek malamang na napuwersa na nang husto si Aguilar na piliting dominahin ang shaded area sa semis.
Kung sabagay, kahit naman sinong mas matangkad na player ay tiyak na mahihirapan kay Peek. Ang lapad ng katawan nito, e. Kahit na mas mataas silang tumalon, kailangan nilang ikutan si Peek na mahusay pang pumuwesto. Iyon ang kanyang bentahe.
At siyempre, idagdag na rin dito ang experience. Higit na isang dekada na siyang naglalaro sa PBA pero tila hindi bumababa ang kanyang efficency.
Wala na nga sigurong dapat ipag-alala ang mga fans para kay Peek dahil in tip top shape na siya. At tamang-tama lang talaga ang kanyang pagbabalik aksyon. Playoffs na ito, e. Isang hakbang na lang at Finals na.
Pero siguro, sa panig ng Tropang Texters, isasang- tabi na lang muna nila ang pambabatok sa kakampi kapag makaka-shoot. Wala munang ganoong klaseng pagdiriwang sa hardcourt lalo’t si Peek ang maka-shoot!
* * *
Nais kong pasalamatan ang lahat ng aking mga kaklase sa Kalibo Elementary School (KES)-Batch ’75 at ang aming advisers na sina Mrs. Cecilia Alfaro at Mrs. Florida Araque sa pagdalo sa KES ’75 1st Grand Reunion at Batch Christmas Party noong Disyembre 17 at 18, 2011. Maraming salamat rin sa lahat ng nagbigay ng pagmamahal at suporta sa naging matagumpay at makabuluhang pagdaraos ng KES ’75 Reunion. Mabuhay kayong lahat!
- Latest
- Trending