Non-Performing NSAs
Heto na naman ang pagbubukas ng taon at natural lamang ang pagrerebisa ng mga natapos at uumpisahan na gawain.
Sa mga nakaraang taon, hindi lang iyong 2011, lagi nating pinupuna ang kawalang direksyon ng mga National Sports Associations (NSAs).
Marami sa mga namumuno sa NSAs na ito ay dekada na ang binibilang. Kumbaga nilulumot na sila sa kanilang puwesto.
Pero kahit na doon sila nagkaputing buhok at nangulubot ang balat sa kanilang mga puwesto, wala pa ring nagagawang matino sa kanilang asosasyon ang karamihan sa mga lider ng NSAs.
Pinuna natin noong mga nakaraang kolum ang Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Olympic Committee (POC), pero isa rin sa factor sa pagbaba ng performance ng Pilipinas sa sports, ay ang mga NSAs na walang nagawa nitong huling dekada.
Para sa atin, panahon na upang palitan ng mga bago (at kung maaari ay bata) na lider ang mga nasa NSAs. Karamihan kasi sa mga lider sa ngayon sa NSAs ay napiga na at nakapagpayaman na.
Panahon na para mag-infuse ng mga bagong dugo at bagong ideya sa NSAs,.
Huwag na sanang magkapit-tuko (tulad ng mga ilang opisyales natin sa gobyerno) ang mga NSAs. Lagi nilang sinasabi sa kanilang mga press release na nagmamalasakit sila sa sports at sa mga atleta, pero ang totoo ang kanilang pinagmamalasakitan ay ang kanilang pansariling interes at ang kanilang mga bulsa.
Dapat ang iprayoridad ng PSC ay ang mga atleta at hindi ang mga NSAs. Ang mga atleta ang dapat na bigyan ng pondo, hindi ang NSAs.
Pero siyempre, kahit na ano ang sabihin ng POC, prayoridad pa rin nila ang NSAs dahil ang boboto sa mga lider ng POC ay ang mga opisyal na nasa NSAs, hindi ang atleta.
Tama lamang ang balakin ng ating mga Congressman na ang mga mahuhusay at may pontensyal na athlete ang bigyan ng kinakailangang pondo, hindi ang NSAs na ang opisyal ay naka-ilang dekada na pero bagsak pa rin ang kanyang sport sa ranking kahit sa Southeast Asia lang.
Totohanin na ng PSC ang banta nito na babawasan ng 50 porsiyento ang pondo ng mga NSAs na hindi nagpe-perform.
Panahon na rin para maging accountable ang mga NSAs kung saan napupunta ang mga pondo na ibinibigay sa kanila.
Panahon na para kalusin ang mga non-performing NSAs.
- Latest
- Trending