MANILA, Philippines - Lalabanan ng Philippine Azkals ang third division football club na CF Internacional de Madrid (CFIM) ng Spain sa isang charity match para sa mga biktima ng bagyong ‘Sendong’ sa Sabado sa Rizal Memorial Football Stadium.
Nakatakda ang naturang laban sa alas-4 ng hapon.
Makikipagsanib-puwersa ang Azkals players na sina Phil at James Younghusband, Ian Araneta, Angel Guirado, co-captain Chieffy Caligdong at iba pa sa mga manlalaro mula sa United Football League (Philippines) para sa selection squad na Azkals Alyansa.
Sa mensahe ng CFIM chief na si Stephen Kenneth Newman sa Facebook account ng team, sinabi nitong magiging exciting at competitive ang laro.
Bago ang laro, mapapanood muna ng mga fans ang mga paborito nilang artista sa isang friendly football challenge sa alas-2 hanggang alas-4 ng hapon.
Isang telethon naman ang pangungunahan ng mga Kapamilya stars para sa Sagip Kapamilya mula alas-2 ng hapon hanggang alas-6 ng gabi.
Ang ticket sa charity match ay nagkakahalaga ng P100, P200, P300, P400 at P500 at mabibili sa mga Ticketworld outlet.
Mapupunta ang ticket sales at ibang proceeds ng laro sa Philippine National Red Cross para matulungan ang mga biktima ng bagyong ‘Sendong’.
Tunghayan ang charity match ng Azkals Alyansa at ng CF International Madrid sa Sabado sa Studio 23.
Masasaksihan ang naturang laro sa Kapamilya Bro channel at IPTV ng ABS-CBN.