MANILA, Philippines - Nilagdaan na ng Philippine Amateur Baseball Association (PABA) ang dokumentong magbibigay karapatan sa Pilipinas na makasali sa pinalawig na World Baseball Classic sa susunod na taon.
Ipinadala ng pamunuan ng magpapalaro ang dokumento kay PABA president Hector Navasero at matapos basahin ang nilalaman ay agad na pinirmahan at ibinalik sa pinagmulan ng dokumento dahil sa kahalagahan ng paglalaro ng national players sa nasabing torneo.
“Malaki ang maitutulong ng World Baseball Classic para magpatuloy ang interes ng kabataan sa sport lalo’t ngayon ay hindi na kabilang ang baseball sa Olympics,” wika ni Navasero.
Ang PABA ang pinadalhan ng imbitasyon dahil nakasaad sa alituntunin ng WBC na tanging ang pederasyon ng isang bansa ang dapat nilang kausapin para sa pagbubuo ng koponan.
Mula sa dating 16 bansa, ang kompetisyon ay pinalawig sa 28 teams at ang 12 koponang naglaro sa nagdaang edisyon ay seeded na sa main tournament.
Ang ibang bansa na isinama ay dadaan sa mga qualifying tournament para madetermina ang apat pang isasama sa naunang 12 koponan.
Inorganisa ng Major League Baseball at International Baseball Federation, libre ang gastusin sa paglahok ng mga koponan pero ang organizers dahil sila ang bahala sa plane fare, uniforms at allowances ng mga manlalarong sasabak sa qualifying at sa main event.
Ito na ang ikatlong edisyon ng World Baseball Classic at ang hari sa naunang dalawang edisyon ay ang Japan.