Reyes babawian si Wu sa PBB face-off-series

MANILA, Philippines - Wala ng ibang mas ka­pa­na-panabik na mapanood sa huling edisyon sa taon ng Philippine Bigtime Billiards (PBB) Face-Off series kundi ang tagisan ng dalawang dating double world champions.

Sa gabing ito sa Airport PAGCOR Casino sa Parañaque City ay magkikita sina Efren “Bata” Reyes at Wu Chia Ching ng China sa race to 9, 10-ball tagisan.

Handog ng Mega Sports World at BRKHRD Corp. at mapapanood sa Solar Sports, Sky Channel 70 at Destiny Channel 34 bukod pa sa live streaming sa www.megasportsworld.com at www.philippinebigtimebilliards.com, ang mananalo ay magbibitbit ng $5,000 unang gantimpala at makapagmamalaki na mas mahusay siya sa tinalong manlalaro.

Parehong nirerespeto sina Reyes at Wu sa mundo ng billiards dahil si Reyes ay 1999 WPA World 9-ball Champion at 2004 WPA World 8-ball Champion habang nasungkit ni Wu ang dalawang world titles noong 2005.

“Pinaghandaan ko itong laban namin dahil gusto kong bigyan ng kasiyahan ang mga pool fans na sasaksihan ang laban namin,” wika ni Reyes na pambato ng Aristeo Puyat Stable.

Huling nagtuos ang dalawa ay sa 11th Predator International 10-ball Championship noong Setyembre na ginawa sa Robinson’s Galleria Mall sa Ortigas at naungusan ni Wu si Reyes sa 9-8 iskor.

Ang bagay na ito ang nais na maipaghiganti ni Reyes na nade-dehado ng bahagya kay Wu sa betting odds.

Ang mga papanig kay Wu ay tatanggap ng dibidendo na $1.68 sa bawat $1 taya habang nasa $1.91 naman ang ipamamahagi sa ganitong pusta kay Re­yes.

Show comments