Chan kumpiyansa sa tsansa ng Elasto Painters
MANILA, Philippines - Nasa kamay na ng mga Elasto Painters ang pagkakataong makapasok sa pinapangarap nilang unang finals appearance.
“Feeling ko ito na ‘yung time naming makarating sa finals, so magpe-prepare kami for the semfinals series against Powerade,” sabi ni off-guard Jeff Chan ng Rain or Shine na sasagupa sa Powerade sa best-of-seven semifinals series para sa 2011-2012 PBA Philippine Cup.
Magsisimula ang kanilang semis showdown sa Enero 4, 2012 sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Winalis ng Elasto Painters ang kanilang best-of-three quarterfinals wars ng Ginebra Gin Kings, 2-0, samantalang dalawang beses tinalo ng Tigers ang B-Meg Llamados, nagbitbit ng ‘twice-to-beat’ advantage sa quarterfinals bilang No. 1 team.
Sa kanilang 112-105 overtime win sa Game Two laban sa Ginebra noong Disyembre 21, tumipa si Chan ng game-high 22 points kasunod ang 13 ni Ronjay Buenafe, tig-12 nina Ronnie Matias at Beau Belga at 11 ni Ryan Arana.
Ngayon pa lamang ang inaabangan na ang face-to-face nina Chan at Gary David, ang kamador ng Powerade, pumasok na No. 8 sa quarterfinals.
“Siguro hindi lang ako ang dapat nilang paghandaan sa semis kundi pati ‘yung buong team,” sambit ni Chan, dating King Tamaraw ng Far Eastern University sa UAAP.
Ang kanilang serye kontra sa Gin Kings ang inaasahan ni coach Yeng Guiao na magpapalakas sa kanyang Elasto Painters sa pagsagupa sa Tigers ni mentor Bo Perasol sa semifinals.
“We’re taking it as a very good sign for a young team such as ours to play under pressure,” wika ni Guiao. “Our players have toughened up. I just hope we can bring it to the next round.”
- Latest
- Trending