MANILA, Philippines - Kumpiyansa si Rain or Shine coach Yeng Guiao na kaya nilang talunin ang Powerade sa semifinal round ng 2011-2012 PBA Philippine Cup na magsisimula sa Enero 4, 2012 sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
“I feel really good the way we’re playing. I think we can take on Powerade in a seven-game series,” wika ni Guiao.
Magtatapat ang Elasto Painters ni Guiao at ang Tigers ni mentor Bo Perasol sa ganap na alas-6:45 ng gabi para sa Game One ng kanilang best-of-seven semifinals series.
Isang two-game sweep ang ginawa ng Rain or Shine laban sa Barangay Ginebra sa quarterfinals match-up.
Dalawang panalo naman ang kinuha ng Powerade, tumayong No. 8 matapos ang elimination round, upang patalsikin ang No. 1 B-Meg na nagbitbit ng ‘twice-to-beat’ advantage.
“You have to respect what Powerade has achieved. They’re peaking at the right time and we have to address their strength at the point guard and the wing positions,” sabi ni Guiao.
Alam rin ni Guiao ang kakayahan ni Gary David para sa Tigers.
“We have tall and quick players to match up with David,” ani Guiao, kina 6-foot-4 Gabe Norwood, Ryan Araña at Jireh Ibañez na dedepensa sa dating pambato ng Lyceum Pirates.
Mula sa pagbabantay kay David na nalimita sa 14 points, tinalo ng Elasto Painters ang Tigers, 96-93, sa kanilang elimination-round meeting noong Oktubre 9.
Nakikita na rin ni Guiao ang determinasyon ng Rain or Shine na makapasok sa kauna-unahan nilang finals appearance ngayong torneo.
“It’s gratifying to see the team transform and acquire the toughness to perform at this level. The guys have settled down to embracing our system the same way the old Red Bull team embraced our system and team philosophy. Everyone is equal and there are no superstars,” ani Guiao.
Si Chan ang nangunguna sa Elasto Painters sa scoring sa kanyang 15.5 points a game average, habang si No. 2 overall pick Paul Lee ang lider sa assists (4.5) at steals (0.9), at si JR Quinahan ang naaasahan nila sa rebounds (6.4) at shotblocks (1.3).