Pacman handang makipagsuntukan kay Floyd kahit sa kulungan
MANILA, Philippines - Maski sa loob ng kulungan ay handa si Manny Pacquiao na labanan si Floyd Mayweather, Jr.
Ngunit ito ay isang pagbibiro lamang na ginawa ng Filipino eight-division champion sa isang television game show kaugnay kay Mayweather, nahatulan ng tatlong buwan na pagkakakulong mula sa domestic violence case na isinampa ng kanyang dating ka-live-in.
Dahilan sa pagkakakulong sa 34-anyos na si Floyd, nabalam ang pinaplantsang mega-fight sana nila ng 33-anyos na si Pacquiao sa Mayo 5, 2012.
Ngunit sinabi ni Bob Arum ng Top Rank Promotions na maaari pang itakda ang Pacquiao-Mayweather super bout sa Nobyembre kung saan inaasahang nakalabas na ng kulungan ang American fighter sa buwan ng Abril.
Bago pa man ang pagbibiro ni Pacquiao, may naitakda nang laban sa loob ng kulungan.
At ito ay nangyari kay American light heavyweight James Scott na lumaban ng 11 professional fights sa loob ng Rahway State Prison sa New Jersey noong 1978 hanggang 1981.
Naging contender si Scott para sa world title habang nasa loob ng piitan kung saan siya nanalo ng siyam at natalo ng dalawang beses.
Apat na prison bouts ni Scott ay isinaere ng NBC Sports, CBS Sports at HBO at tinapos ang kanyang boxing career mula sa isang pagkatalo kay Dwight Braxton noong Setyembre ng 1981.
Samantala, bagamat makukulong hindi pa rin tatanggalan si Mayweather ng welterweight crown ng World Boxing Council (WBC).
Ito ay sa kabila ng nakasaad sa regulations rule ng WBC na kung ang isang kampeon ay makukulong, ito ay tatanggalan ng titulo.
Ayon kay WBC executive secretary Mauricio Sulaiman, ang naturang boxing sanctioning body ay nasa likod pa rin ni Mayweather.
“The World Boxing Council has always been in the corner of the boxer,” wika ni Sulaiman. “The organization was created to protect the fighter.”
“We will try to achieve the most fair outcome for the fighter and the fans,” dagdag pa ng WBC official sa kaso ni Mayweather.
Sisimulan ng five-division champion ang kanyang sentensya sa Clark County jail sa Enero 6, 2012 at inaasahang makakalabas sa Abril.
Inagaw ni Mayweather ang WBC welterweight belt ni Victor Ortiz sa pamamagitan ng isang kontrobersyal na fourth-round knockout noong Setyembre 14.
Sa kanyang pagkakakulong ay magsusuot ang American fighter ng standard-issue blue jail jumpsuit na may nakasulat na letrang CDCC at orange na tsinelas.
- Latest
- Trending