MANILA, Philippines - Nagpapakitang gilas ang University of the East sa mga local at international competitions na kanilang sinalihan sa taong 2011.
Sa idinadaos na 74th UAAP season, ang UE ay nagkaroon ng magandang ipinakita sa fencing, swimming, taekwondo at table tennis.
Nakuha ng Lady Warriors ang ikalimang sunod na overall title habang ang girls team ang hinirang bilang kauna-unahang kampeon ng dibisyon.
Hindi naman nagpahuli ang boys fencers na napangalagaan ang kampeonato sa kanilang bakuran.
Si Patricia Marie Melendres ang siyang lumabas bilang MVP sa women’s division, habang sina Nathaniel Perez at Kim Paolo Gutierrez ang nanalo bilang MVP at Rookie of the Year sa juniors division.
Unang kampeonato sa women’s badminton ang napanalunan din ng Lady Warriors sa pangunguna nina Jamilla Fatima Cruz at Rochelle Andres na naupo bilang MVP at Most Improved Player.
Ito ang ikalawang sunod na korona ang koponan sa dibisyon, habang ang men’s team ay nag-ingay naman sa 16th University Games sa Roxas City nang kunin ang ikalimang UniGames title.
Humataw ang UE high school sa UAAP swimming, habang nananatiling malakas sa table tennis matapos mapagtagumpayan ang torneo sa ikatlong sunod na pagkakataon.
Lumahok din ang paaralan sa 7th Eastern Cup Table Tennis Championship at nanalo ang UE junior warriors Team A.
Sa iba pang sinalihan, kuminang sina Jessica Christia Paron at Francislyn Cais sa 4th leg Petron Beach Volley noong Oktubre 21 at 22 sa Puerto Princesa, Palawan. Si Paron pa ang iniluklok bilang MVP ng torneo.
Nagbunga rin ang pagsali sa weightlifting sa National Open and Luzon Powerlifting Championships sa Robinson’s Novaliches, National Raw Powerlifting Subjunior, Junior, Open at Masters Championships sa Tiendesitas, Pasay City; sa Philippine Interschool Powerlifting Championship sa Robinson’s Imus sa Cavite.
Sa international scene, ang UE Red Warriors ay lumahok sa 8th ASIAN University Basketball Championshp sa Bintulu, Sarawak, Malaysia mula Hunyo 5 hanggang 10 at tumapos ang koponang hawak ni coach Jerry Codiñera sa ikatlong puwesto nang talunin ang UCBL Selection team ng Malaysia.
Kampeon dito ang Guangdong University of Technology at ang National Taiwan University of Arts ang sumegunda. (AT)