Alcala kampeon
MANILA, Philippines - Napanatili ni Malvinne Ann Alcala ang kanyang pagrereyna sa girls’ Under-17 singles, habang naghari naman ang kanyang kapatid na si Markie sa boys’ Under-13 singles event ng Li Ning Singapore Youth International Series 2011 kamakalawa sa Singapore Badminton Hall sa Singapore.
Tinalo ni Malvinne si Indonesian Florensia Setyana Daniella, 22-20, 21-17, upang muling dominahin ang kanyang dibisyon.
Nauna nang inangkin ng 16-anyos na si Malvinne ang nakaraang Open singles event ng PBaRS (Philippine Badminton Ranking System) circuit.
Umiskor rin siya ng isang ‘Grand Slam’ sa Ming Ramos Cup Victor Philippine Open kung saan siya namayagpag sa singles, doubles (kasama si Fatima Cruz) at mixed doubles (katuwang si Ronel Estanislao) sa Club 650 at sa PSC Badminton Hall kamakalian.
Pinayukod naman ni Markie si Malaysian Sim Fong Hau, 21-11, 21-17, sa finals ng boys’ U-13 category.
Nauna nang winalis ng Allied/Victor mainstay ang four-leg series (U-15 division) ng PBaRS circuit.
Maliban sa Pilipinas, Indonesia at Malaysia, ang iba pang bansang sumabak sa torneo ay ang Chinese-Taipei, Indonesia, Thailand, India, Singapore, Japan, Sri Lanka, Hong Kong, Australia, Kazakhstan at Vietnam.
Ang paglahok ng Phl contingent sa nasabing torneo ay sanctioned ng PBA, sa pangunguna ni Vice President Jojo Binay.
- Latest
- Trending