Corteza tinumbok ang Pacman Int'l 10-Ball crown

MANILA, Philippines - Pinayukod ni two-time National Open champion Lee Vann Corteza si World Pool-Billiard Association Player of the Year at World No.1 Dennis Orcollo, 11-7, para maghari sa Manny Pacquiao International 10-Ball championships na idinaos sa famous Star Billiards Center sa Grace Village, Quezon City.

Napasakamay ni Corteza ang premyong $30,000, habang nagkasya naman si Orcollo sa $10,000 mula sa total prize pool na $60,000 na inilatag ni Filipino boxing icon Manny Pacquiao.

Umabante ang Davao City native na si Corteza sa finals matapos manaig kontra kay 2007 Manny Pacquiao 9-ball ruler Jeffrey De Luna, 11-6, habang umiskor naman si Orcollo kay Jeffrey Diaz, 11-7.

Nauna na ring namayani si Corteza kontra kay Orcollo, 11-8, para maibulsa ang top prize na P350,000 sa Masters category ng 2011 San Miguel Beer Oktoberfest 9-Ball Open na ginanap sa Resorts World Manila sa Pasay City.

“I’m very happy and proud to have won this tournament made by my boxing idol and Cong. (Manny) Pacquiao. Sayang nga lang, hindi s’ya nakarating sa awarding kasi sumabay halos sa birthday n’ya,” sabi ni Corteza.

Diniskaril muna ni Corteza si 2007 World Pool Championship finalist Roberto Gomez, 9-6, para makapuwersa ng Final Four showdown kay De Luna.

Nakaungos naman si Orcollo kay Jundel Mazon, 9-7, tungo sa pakikipagharap kay Diaz, ang nagpalasap ng unang pagkatalo ni Corteza.

Show comments