MANILA, Philippines - Kung muling aatrasan ni Floyd Mayweather, Jr. si Manny Pacquiao, pinatutunayan lamang nitong takot ang American fighter sa Filipino world eight-division champion.
Para lamang matuloy ang kanilang upakan ng 34-anyos na si Mayweather, handa ang 33-anyos na si Pacquiao na tumanggap ng mas mababa sa 50% na prize purse.
Ngunit walang binanggit si Pacquiao kung magkano ang handa niyang tanggapin, ayon sa kanyang legal adviser na si Franklin Gacal.
“There’s no specific amount, no specific percentage yet. But he has agreed to a smaller share of the purse. The public has been waiting for this fight, and Manny is giving it to them,” wika kahapon ni Gacal.
Ipinakita lamang umano ng Sarangani Congressman ang kanyang pagmamahal sa boxing.
“That’s how Manny loves the sport of boxing, and how he loves the fans. He said it’s his way of thanking the fans,” ani Gacal.
Ang Pacquiao-Mayweather mega-fight ang gustong mapanood ng mga boxing fans sa buong mundo at inaasahang hahakot ng milyun-milyong dolyar sakaling matuloy sa 2012.
Maaaring tumanggap sina Pacquiao at Mayweather ng guaranteed purse na tig-$50 milyon.
Posible rin nitong masira ang kasalukuyang pay-per-view record na 2.4 million buys na inilista ni Mayweather sa kanyang laban kay Oscar Dela Hoya noong 2007.
Wala pang laban na nakakabasag ng nasabing rekord.
Kamakailan ay inihayag ng Filipino boxer na hindi siya tatanggap ng 50% na prize purse.
Ngunit ngayon ay handa na siyang tumanggap ng mas maliit na porsiyento maitakda lamang ang kanilang bugbugan ni Mayweather.
“Manny wants the fight to happen, and give the fans what they deserve,” wika ni Gacal.
Hindi na isyu ang drug-testing procedure dahil pumayag na si Pacquiao na gawin ito para pagbigyan si Mayweather.