Gomez babalewalain ang pagiging dehado vs Chang
MANILA, Philippines - Kung may isang bagay na nagbibigay ng karagdagang inspirasyon para kay Roberto Gomez sa pagharap kay Chang Jung-lin ng Chinese, Taipei, ito ay patunayan na mali ang mga sinasabi ng betting odds.
Magkikita sina Gomez at Chang ngayong alas-9 ng gabi sa PAGCOR Airport Casino sa Parañaque City sa pagpapatuloy ng Philippine Bigtime Billiards Face Off Series.
Pero lumalagay si Gomez na dehado sa dayuhang Taiwanese player sa race-to-9, 10-ball format na kompetisyon na inorganisa ng Mega Sports World at BRKHRD Corp na mapapanood din sa Solar Sports, Sky Channel 70 at Destiny Channel 34 bukod sa mga live steaming sa www.megasportsworld.com at www.philippinebigtimebilliards.com
Sa $1 pusta para kay Gomez, babayaran ang mga ito ng P$1.87 kung manalo habang ang ganitong pusta kay Chang ay may mas maliit na $1.65 dibidendo.
“Kahit dehado ako ay hindi makakasiguro sa akin si Chang. Maikli ang laro at winner’s break pa kaya anybody’s ball game ito” wika ni Gomez.
Ang mananalo ay tatanggap ng $5000 unang premyo at ang matatalo ay mag-uuwi pa rin ng $2,500.
Sa kabilang banda, nais ni Chang na manalo upang maipaghiganti ang tinamong 9-7 pagkatalo ng kababayang si Yang Ching-shun noong Sabado.
Ito rin ang una sa dalawang laro ni Chang sa Face Off na suportado rin ng Airport Casino Filipino, Golden Leaf Restaurant, Bugsy Promotions, BMPAP at The Philippine Star dahil babalik sa mesa ang nasabing manlalaro sa Disyembre 23 para harapin naman si Carlo Biado.
- Latest
- Trending