MANILA, Philippines - Lalapit pa ang host Perpetual Help sa asam na sweep sa 87th NCAA women’s volleyball sa pagharap sa nangungulelat na St. Benilde sa pagpapatuloy ng kompetisyon ngayon sa Ninoy Aquino Stadium.
Ang laro ay ikalawa sa tatlong pang-umagang bakbakan mula alas-9 ng umaga at ang Lady Altas ay magbabalak na kunin ang ikaanim na sunod na panalo at manatiling natatanging koponan na hindi pa natatalo sa torneo.
Papasok ang Lady Altas mula sa pahirapang 28-26, 25-17, 16-25, 22-25, 15-12 tagumpay sa Emilio Aguinaldo College Lady Generals upang masolo ang liderato dahil nalasap ng huli ang unang pagkatalo matapos ang apat na sunod na panalo.
May 1-4 karta ang Lady Blazers pero makakatiyak na gagawin nila ang lahat ng makakaya para tapusin ang Lady Altas.
Unang magbabakbakan ang Junior Altas sa Baby Blazers sa alas-8 ng umaga habang ang Altas ay makikipagbunuan sa Blazers alas-10 ng umaga.
Mahigpitan ang magaganap na labanan dahil magkasalo ang Altas at Blazers sa 3-0 karta at ang mananalo ay aakyat at sasaluhan ang nangungunang Arellano (4-0) sa kalalakihan.
Samantala, babasagin naman ng nagdedepensang San Sebastian Lady Stags ang pagkakatabla nila ng Lyceum Lady Pirates sa kanilang tagisan dakong alas-2 ng hapon.
May iisang 2-2 karta ang dalawang koponan at ang mananalo ay aakyat sa pagsalo sa ikatlo hanggang ikaanim na puwesto.