Melindo kumpiyansang mananalo kay Viloria kapag naglaban

MANILA, Philippines - Sakaling itakda ang kanilang kapalaran na makaharap niya si world flyweight champion Brian ‘The Hawaiian Punch’ Viloria, kumpiyansa si Milan Melindo na siya ang mananalo.

Ito ay base na rin sa napanood ni Melindo sa nakaraang title defense ni Viloria laban kay Mexican-American challenger Giovanni Segura kung saan nagwagi ang Fil-Am fighter via eight-round TKO noong Linggo sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

“Kayang-kaya ko siyang talunin,” kumpiyansang wika ni Melindo kay Viloria, ang kasalukuyang World Boxing Organization (WBO) flyweight titlist. “Si Brian kapag napipikon, pumapasok ng alanganin. Hindi na niya alam ang ginagawa niya.”

Tangan ng 31-anyos na si Viloria ang 30-3-0 win-loss-draw ring record kasama ang 17 KOs, habang bitbit ng 23-anyos na si Melindo ng Cagayan de Oro City ang malinis na 25-0-0 (9 KOs) card.

“Suntok siya nang suntok pero wala namang tina­tama­an,” obserbasyon pa ni Melindo sa naging laban ni Viloria kay Segura. Ang WBO belt ay nakuha ni Vi­loria matapos ang isang unanimous decision win laban kay Julio Cesar Miranda noong Hulyo sa Hawaii.

Tinalo ni Melindo si Car­los Tamara (22-6-1, 16 KOs) ng Colombia via unanimous decision sa isang 10-round, non-title fight noong Nobyembre 27, 2010 sa Cebu City.

Show comments