Patriots palalakasin ni Anthony sa ABL
MANILA, Philippines - Ibabalik ng AirAsia Philippine Patriots si Anthony Johnson upang pangunahan ang kampanya sa 3rd AirAsia ASEAN Basketball League na magsisimula sa Enero 14.
Si Johnson na dating import sa PBA ay naglaro sa Patriots sa nagdaang season pero dalawang games lamang ang kanyang sinalihan dahil sa tinamong hamstring injury.
Magkakaroon si Johnson ng solidong kapareha dahil hinugot ng koponang nagdomina sa 1st ABL si 6’10 Nakiea Miller na dating import ng Satria Muda Indonesia.
“He’s (Miller) a role player and we know he can deliver at crunch time. With him and Johnson around, I think we will be competitive with the rest of the teams,” wika ni Patriots team manager Erick Arejola.
Si Glenn Capacio ang siyang coach ng Patriots habang ang mga manlalaro ay sina Aldrech Ramos, Al Vergara, Marcy Arellano, Jonathan Fernandez, Reed Juntilla, Eddie Laure, Eder Saldua, Angel Raymundo, Erick Rodriguez, Ardy Larong, Warren Ybanez at Rob Wainwright.
Mas mahigpit ang tagisan sa taong ito dahil walong koponan na ang maglalaban-laban kasama ang mga expansion teams na San Miguel Beer ng Pilipinas, Bangkok Cobras ng Thailand at Saigon Heat ng Vietnam.
Ang lakas ng Patriots ay masusukat sa pagtungo nila bukas sa Bangkok, Thailand para sa ‘To Be No. 1 Basketball Challenge’ na isang fund raising tournament ng Thailand.
Ang San Miguel Beer, nagdedepensang Chang Thai Slammers at Bangkok Cobras ang iba pang kasaling koponan.
- Latest
- Trending