MANILA, Philippines - Bago bumiyahe patungong Los Angeles, California kahapon ay inalam muna ni world flyweight champion Brian ‘The Hawaiian Punch’ Viloria ang kondisyon ni Mexican-American challenger Giovanni Segura.
Ang 29-anyos na si Segura ay nakatakdang sumailalim sa isang surgery kaugnay sa natamo niyang fractured orbital floor, ang butong sumusuporta sa mata, matapos ang isang eight-round TKO loss kay Viloria noong Linggo sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
“Just found out Giovanni got a fractured Orbital bone. Praying for a speedy recovery,” wika ng 31-anyos na si Viloria kay Segura.
Itinigil ni referee Samuel Viruet ng New York ang nasabing laban sa huling 29 segundo sa round 8 makaraang mapuruhan ni Viloria si Segura sa kanang bahagi ng ulo ng challenger.
“I’ll be keeping in contact with Giovanni and his crew for updates on his health. Please keep him in your prayers tweeds,” pakiusap pa ni Viloria para kay Segura, dati niyang sparmate.
May 30-3-0 win-loss-draw ring record ngayon si Viloria kasama ang 17 KOs para mapanatiling hawak ang kanyang World Boxing Organization (WBO) flyweight crown kontra kay Segura (28-2-1, 24 KOs).
Ang WBO belt ay nakuha ni Viloria matapos ang isang unanimous decision win laban kay Julio Cesar Miranda noong Hulyo sa Hawaii.
“My team is leaving back to LA today,” sabi ni Viloria sa pag-alis ng kanyang grupo kahapon patungong Los Angeles, California. “We had a blast in Manila! I love Team Viloria. Great job fellas!”
Sinabi naman ni Gary Gittelson, ang manager ni Viloria, na maaaring bumaba ng weight division ang Fil-Am fighter para sa kanyang susunod na laban.
“In the lower weights everyone out there is good and solid but we have a few names,” wika ni Gittelson sa mga katulad nina Tyson Marquez, Ivan Calderon at Pongsaklek Wonjongkam.