MANILA, Philippines - Higit sa paghubog ng mga mahuhusay na atleta, isang malaking hamon na hinaharap ng Philippine Olympic Committee (POC) ay mula sa ibang sektor na nagnanais umano na sirain ang sports ng bansa.
Sa kanyang pananalita sa POC General Assembly noong Sabado sa Wack Wack Golf and Country Club, sinegundahan niya ang panawagan ni IOC representative sa Pilipinas Frank Elizalde na magtulung-tulong ang lahat ng NSAs dahil isang malakas na grupo ang sumisilip ng butas upang sila ay sirain.
“We are being challenged,” pagdidiin ni Cojuangco sa kanyang pananalita.
Hindi niya pinangalanan ang mga taong nasa likod ng panggugulo ngunit tiyak na isa sa mga tinutukoy niya ay si dating Senadora Nikki Coseteng na makailang ulit nang binibira ang POC dahil sa umano’y kapalpakan ng liderato na nagresulta upang bumagsak ang Pilipinas sa larangan ng palakasan.
Nanggaling ang Pilipinas sa pagkakalagpak sa ikaanim na puwesto sa 26th SEA Games na kung saan ang inilabang 520 atleta ay nanalo lamang ng 36 ginto o kapos ng dalawa para pantayan ang 38 na napagwagian ng bansa sa Laos at tumapos ang delegasyon sa panlima.
Ang POC ay naghahanda sa kanilang eleksyon sa 2012.