Laguna binigyan nina Bondad, Herranz ng 6 gold
NAGA, Philippines --Umarangkada agad sina Catherine Bondad at Ariana Herranz ng tig-tatlong ginto para pangunahan ang sampung ginto na hinablot ng Laguna sa swimming competition sa pagsisimula ng 2011 Batang Pinoy National Finals sa iba’t ibang palaruan sa Naga City.
Sina Bondad at Herranz ang mga multi-gold medalist sa Southern Luzon qualifying leg at napanatili ang init ng paglalangoy nang si Bondad ay manalo sa girls 12-13 200m free, 50m free at 100m back habang si Herranz ay nangibabaw sa 14-15 200m medley, 200m free at 100m backstroke.
Samantala, nagpasikat din agad ang mga atleta ng Baguio City sa athletics habang ang bagong pasok sa national pool sa triathlon na si Allen Santiago ang nag-uwi ng ginto sa boys triathlon sa kompetisyong inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) at suportado ng Smart Summit Mineral Water.
Sina Gio Bryan Malinao ay nanaig sa boys 110m hurdles (15.84 seconds) habang ang kakamping si Jasmin Felix ang nanalo sa 100m hurdles (15.92 seconds).
Ang iba pang kuminang sa track and field ay sina Garry Santiago ng UST-Manila sa boys shotput (15:04m), Mary Antoinette Diesto ng Bacolod sa girls long jump (5.00m), Kimberly Dangli ng Davao del Norte sa girls shotput (9.19m) at John Arnel Huerta ng Municipality ng Alberto Castaneda sa boys long jump (6.00m).
May 19.04 tiyempo si Santiago sa 250m swim, 5km bike at 1.2 km run para pangunahan ang boys triathlon habang si Jessica Salazar ng Laguna ang nanalo sa kababaihan sa 22:24 tiyempo.
Suportado rin ng Milo, Standard Insurance, Aboitiz, Negros Navigation, RELIV Now for Kids, Growee Multivitamins at British Council, ang torneo ay kinatatampukan ng mga gold at silver medalists sa naunang limang regional eliminations.
- Latest
- Trending