MANILA, Philippines - Humataw ang mga boksingero ng Tayabas ng pitong ginto sa siyam na Finals na pinaglabanan upang makisalo sa Laguna na hinirang bilang overall champion sa pagtatapos kahapon ng 2011 Batang Pinoy Southern Luzon qualifying leg sa Laguna Sports Complex sa Sta. Cruz, Laguna.
Sina Jessie Diaz at Jeric Ferrer ang siyang namuno sa nasabing delegasyon nang umiskor ng mga referee-stopped-contest panalo sa mga nakalaban upang maipakita ang mahusay na boxing program ng delegasyong hinahawakan ni Gabriel Vicera.
Si Diaz ay umukit ng RSC sa third round panalo laban kay John Dorex ng Laguna sa 50-kilogram division habang si Ferrer ay may second round RSC tagumpay kontra kay Anjo Basagre ng Bikol.
Ang iba pang nagsipanalo sa kompetisyong inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) at suportado ng Smart, Maynilad at Summit Natural Drinking Water ay sina EJ Nares (38kg), Ronato Alias (40kg), Rammel Ofemaria (42kg), Manuel Cabisda (44kg) at Christian Rabo (46kg).
Samantala, sinandalan ng host province ang mahusay na ipinakita sa ibang laro para lumabas bilang number one sa nalikom na 89 ginto, 75 pilak at 42 bronze medals matapos ang apat na araw na kompetisyong suportado rin ng Milo, Jollibee, The British Council, Standard Insurance, Manila Bulletin, Negros Navigation-Super Ferry, Kids 3 Food Supplement, RELIV Now for Kids at Growee Multivitamins.
Tig-32 ginto ang kinuha ng manlalaro ng Laguna sa athletics at swimming events para katampukan ang paglayo sa mga katunggali.
Sina Gilbert Rutaquio at Marimar Amarga ang nanguna sa Laguna sa athletics sa hinagip na tig-tatlong ginto habang si Joshua Casino ang bumandera sa kanilang tankers sa apat na ginto sa pool.
Ang Lipa City ang malayong nasa ikalawang puwesto sa pitong ginto bukod pa sa apat na pilak at 9 bronze medals na lahat ay nakuha sa pool events.