Imbestigasyon sa kaso ni Gorayeb, pinamamadali
MANILA, Philippines - Pipiliting tapusin sa loob ng dalawang linggo ng NCAA Management Committee (Mancom) ang isinasagawang imbestigasyon sa pagkakagulpi ni San Sebastian women’s volleyball coach Roger Gorayeb ng San Beda Red Lions na nangyari noon Disyembre 2 sa San Beda Gym.
Ayon kay Mancom chairman Dr. Ramon Cercado, ang pinamumunuang komite na lamang ang magsasagawa ng pagsusuri sa tunay na nangyari at gagawin nila ang lahat para pananagutin ang mga may sala.
“In relation to the SBC and SSC incident which happened last Friday, December 2, and within the spirit of fairness and justice, the NCAA MANCOM decided to make itself the investigating body,” wika sa statement ni Cercado.
Idinagdag din nito na masusi nilang pag-aaralan ang nangyari at mangangalap ng ebidensya at ang imbestigasyon ay tatapusin sa loob ng madaling panahon.
Matatandaan na binugbog ng Red Lions si Gorayeb matapos ang palitan ng mura nila ni coach Frankie Lim.
Nagsampa na ng hiwalay na reklamo sa pulisya si Gorayeb dahil sa pangyayari na naganap sa San Beda gym.
Naniniwala ang Mancom na maisasaayos nila ang problema tulad ng mga nagdaang malalaking suliranin na kanilang naunang hinarap.
Samantala, iimbestigahan din ng Mancom ang nangyaring bench clearing sa pagitan ng San Beda at San Sebastian sa semifinals ng Philippine Collegiate Championship League (PCCL) noong Lunes sa The Arena.
May kabuuang walong manlalaro ang itinapon sa laro nang lumusob ang mga bench players matapos magkasikuhan sina Calvin Abueva at Rome dela Rosa.
Hihintayin muna ng pamunuan ng liga ang ulat ni league commissioner Joe Lipa bago sila kikilos.
- Latest
- Trending