MANILA, Philippines - Ayaw ng Elasto Painters na maging unang biktima ng Clickers.
Tiniyak ito nina Ryan Araña at Ronnie Matias nang magsalpak ng mahahalagang puntos sa final canto upang akayin ang Rain or Shine sa 88-81 panalo laban sa talsik nang Shopinas.com sa elimination round ng 2011-2012 PBA Philippine Cup kahapon sa Smart-Araneta Coliseum.
Umiskor si Jeff Chan ng 14 points, habang may tig-12 sina Araña at JR Quiñahan at 9 si Matias para wakasan ang four-game losing slump ng Elasto Painters.
Iniakyat ng Rain or Shine ang kanilang win-loss record sa 8-5 kapantay ang Meralco sa ilalim ng nagdedepensang Talk 'N Text (9-3), Petron Blaze (9-4) at B-Meg (9-4) kasunod ang Barangay Ginebra (6-5), Barako Bull (6-6), Powerade (5-8), Alaska (3-10) at Shopinas.com (0-13).
Nakuha ng Clickers ang 27-19 lamang sa first period hanggang makabangon ang Elasto Painters sa halftime, 41-32, mula sa kanilang 22-5 produksyon sa second quarter.
Nakalayo ang Rain or Shine sa 59-50 sa dulo ng third period patungo sa 69-59 bentahe laban sa Shopinas.com sa 8:46 ng final canto mula sa three-point shot ni TY Tang.
Huling nakalapit ang Clickers sa 70-73 agwat sa 6:21 ng laro sa likod nina Paulo Hubalde at Jojo Duncil kasunod ang pagbibida nina Arana at Matias na muling nagpadyak sa Elasto Painters sa 83-72 sa huling 2:29.
Kasalukuyan pang naglalaban ang Barangay Ginebra at Meralco Bolts habang sinusulat ang balitang ito.
Rain or Shine 88 - Chan 14, Araña 12, Quiñahan 12, Matias 9, Norwood 9, Cruz 7, Tang 7, Belga 7, Rodriguez 7, Buenafe 4, Lee 0, Ibanes 0.
Shopinas.com 81 - Duncil 23, Jazul 17, Sena 11, Hubalde 9, Espiritu 7, Ritualo 6, Menor 4, Sison 2, Daa 2, Escobal 0, Aquino 0, Se 0.
Quarterscores: 19-27, 41-32, 61-55, 88-81.