MANILA, Philippines - Patung-Patong na kaso ang inaasahang haharapin ng San Beda players at officials matapos nilang bugbugin si San Sebastian women’s volleyball coach Roger Gorayeb.
Nagsampa na ng serious physical injuries si Gorayeb sa police station sa Mendiola laban kay Red Lions coach Frankie Lim at kanyang mga players matapos siyang atakihin sa kalagitnaan ng laro sa pagitan ng Lady Stags at Perpetual Help.
Maliban ito ay isinangguni na rin ni SSC athletic director Frank Gusi sa kanilang mga abogado ang mga posible pang hakbang para maparusahan ang mga may sala.
Naghahanda rin ang San Beda na magsampa ng ibang kaso tulad ng racial discrimination nang tawagin umanong unggoy ng San Sebastian men’s volleyball team si Nigerian player Ola Adeogun na nagre-residency ngayon sa koponang hinirang kampeon sa NCAA men’s basketball.
Nagkainitan sina Gorayeb at Lim nang magpalitan ng mura matapos ang pagsugod ng Lions sa San Beda gym makaraang magsabi ni Ola ng kanyang narinig.
Samantala, hinihintay ni NCAA Management Committee Chairman Dr. Ramon Cercado ng Perpetual Help ang ulat sa pangyayari na binabalangkas ng volleyball committee na binubuo nina Jose Mari Lacson ng San Beda, Gusi at isang kinatawan ng Letran.
Matapos mapasakamay ang ulat ay saka gagawa ng aksyon ang Mancom sa pangyayari.