MANILA, Philippines - Maagang nagtrabaho ang Freego Jeans upang makalayo agad sa Big Chill tungo sa 78-46 panalo sa PBA D-League Aspirant’s Cup kahapon sa Adamson University Gym.
Binulaga ng bataan ni coach Leo Austria ang Super Chargers ng 10-2 start sa ikalawang yugto para hawakan ang 28-9 kalamangan at lumawig pa ito sa 40-20 ilang minuto bago natapos ang first half.
Mula rito ay hindi na nilingon pa ng Jeans Makers ang kalaban para makabangon mula sa 62-78 kabiguan sa Dub Unlimited sa huling laban.
“Palagay ko ay nasa quarterfinals na kami pero kailangan pa naming manalo lalo na sa NLEX sa next game para makapasok na sa semifinals.
Ang laban ay nadungisan ng paniniko ni Jewel Ponferada ng Super Chargers kay John Lopez na nagresulta sa pagputok ng labi ng huli.
Napatalsik sa laro ang 6’4 center at inaasahang ipatatawag ng Commissioner’s Office para pagpaliwanagin sa unsportsmanlike action na ito.
May 20 puntos si Janus Lozada para pangunahan ang koponan na dinomina rin ang rebounding, 60-32.
Ito ang ikaanim na panalo sa pitong laro ng Jeans Makers na patuloy na kasalo sa liderato ang Cebuana Lhuillier na unang hiniritan ng 76-67 panalo ang palaban pero kinapos na PC Gilmore sa unang bakbakan.
Nagpakawala ng dalawang tres at walong puntos si Jai Reyes habang ang depensa ng Gems ay nagbigay lamang ng dalawang puntos sa huling 3:56 ng bakbakan upang makabangon ang Gems mula sa 60-65 iskor.
May 16 puntos si Reyes bukod pa sa apat na rebounds, 4 assists at 3 steals habang si Vic Manuel ang nanguna sa Gems sa kanyang 18 puntos at si Terrence Romeo ay mayroong 17.
Nalaglag ang Wizards sa ikaapat na sunod na kabiguan at naapektuhan ang koponan.