Freego Jeans, Cebuana Lhuillier Magpapatibay
MANILA, Philippines - Kakapit pa sa liderato ang Freego Jeans at Cebuana Lhuillier sa pagpapatuloy ng PBA D-League Aspirants Cup sa Adamson University Gym.
Kapwa pupuntiryahin ng Jeans Makers at Gems ang ikaanim na panalo sa pitong laro na magpapatatag sa kanilang paghahabol sa insentibong ibibigay sa mangungunang dalawang koponan matapos ang single round robin elimination.
Kalaro ng Gems ang PC Gilmore ngayong alas-2 ng hapon, habang ang Jeans Makers ay babangga sa Big Chill sa alas-4 ng hapon.
Didiretso na sa semifinals ang top two teams, habang ang apat na kasunod na koponan ay maglalaro naman sa quarterfinals.
Galing sa 62-78 pagkakadurog ang tropa ni coach Leo Austria sa mga kamay ng DUB Unlimited sa huling laro pero nananalig ang beteranong mentor na babalik ang tikas ng kanyang koponan lalo pa at ang Adamson Falcons na siyang core players ng kanyang koponan ay namaalam na sa PCCL.
“Medyo naka-recover na ang mga bata. Alam din nila ang kahalagahan ng larong ito para sa chance sa outright semifinals,” wika ni Austria.
Sa 4-2 karta, ang makukuhang panalo ng Super Chargers ay magreresulta upang makatabla nila ang Freego Jeans sa ikalawang puwesto kaya’t makakatiyak na magtatrabaho rin nang husto ang tropa ni coach Arsenio Dysangco.
Masasabing mas madaling laro ang haharapin ng Gems dahil ang Wizards ay wala pang panalo sa tatlong laro.
Ngunit hindi naniniwala si coach Luigi Trillo sa bagay na ito dahil ilang koponan na rin na nasa ilalim ang nanalo sa mga nasa itaas sa standings.
“Hindi mo puwedeng biruin ang team ng PC Gilmore. Mahirap magkumpiyansa at marami ng teams ang natalo dahil hindi nila siniseryoso ang kalaban,” wika ni Trillo.
Nananalig si Trillo na mananatili ang intensidad ng kanyang tropa upang makamit rin ang ikatlong sunod na panalo.
- Latest
- Trending