Lioness manlalapa; Lady Stags reresbak sa NCAA volleyfest
MANILA, Philippines - Sakyan ang momentum na nakuha sa huling laro ang balak gawin ng San Beda sa pagpapatuloy ng 87th NCAA women’s volleyball ngayon sa Ninoy Aquino Stadium.
Sariwa sa 25-15, 25-19, 25-20 panalo laban sa 6-time defending champion San na Sebastian College noong Miyerkules na ginawa sa San Beda gym, sisikaping lapain ng Lioness ang Jose Rizal University sa ala-una ng hapong tagisan.
Ang Lady Stags na nawalan ng mga key players ay babawi sa di magandang panimula sa pagharap sa Arellano sa alas-9 ng umagang bakbakan.
Sina Cherry Quizon, Ces Molina, Janine Marciano, Coline Malana at Debbie Dultra ang mga magtutulung-tulong sa San Beda na kung manalo pa ay sasalo sa host University of Perpetual Help sa 2-0 baraha.
Masama man ang simula ay may kumpiyansa pa si Lady Stags coach Roger Gorayeb hinggil sa planong pagpapalawig ng dominasyon sa women’s volleyball.
“Mahaba pa ang liga at challenge ko sa mga players na bumawi kami matapos ang di magandang laro sa first game,” wika ni Gorayeb.
Kailangang magtrabaho ang kanyang mga bataan dahil ang Lady Chiefs ay nagbabalak din na makasalo sa liderato matapos manaig sa Mapua sa unang asignatura.
Unang laro ay sa pagitan ng San Sebastian at Arellano sa juniors sa ganap na alas-8 ng umaga habang ang Stags at Chiefs ay magkikita sa seniors dakong alas-10 ng umaga.
Ang Heavy Bombers at Lions ay magtutuos din sa isa pang seniors game sa alas-2 ng hapon.
- Latest
- Trending