MANILA, Philippines - Mananalo sa pamamagitan ng knockout si Floyd Mayweather Jr. laban kay Manny Pacquiao.
Ito ang prediksyon ni Oscar De La Hoya kung matutuloy ang sagupaan ng dalawang tinitingalang boksingero sa kapanahunang ito.
Si De La Hoya na siya ring promoter ni Mayweather ay kumikilos para mabuo ang pinaka-aasam na laban sa boxing.
“Mayweather has the style to beat Pacquiao and he will do it by knockout,” wika ni De La Hoya sa panayam ng Boxingscene.
May karapatang magsalita si De La Hoya dahil nakalaban niya sina Mayweather at Pacquiao sa kanyang makulay na boxing career na nagsimula noong 1992 at natapos noong 2008.
Si Pacquiao ang siyang nagparetiro sa tinaguriang Golden Boy matapos umayaw ito bago nagsimula ang ninth round dahil sa labis na pahirap na tinanggap sa Pambansang kamao.
Nauna namAng hinarap ni De La Hoya si Mayweather noong 2007 at natalo siya sa pamamagitan ng unanimous decision.
Itinuro pa ni De La Hoya ang huling laban ni Pacquiao laban kay Juan Manuel Marquez na isa sa mabigat na dahilan kung bakit naniniwala siyang kumbinsidong panalo ang maitatala ni Mayweather.
Nanalo si Pacquiao kay Marquez sa ikatlong pagtutuos noong Nobyembre 12 sa MGM Grand Arena gamit ang majority decision pero marami ang nagsasabing tabla o panalo si Marquez ang tamang desisyon sa laban.
Wala pang linaw sa plano ni Pacquiao para sa 2012 at kahit napapaulat na isinususog ang ikaapat na tagisan nila ni Marquez, ang pinal na desisyon sa bagay na ito ay gagawin sa unang buwan ng papasok na bagong taon.