Weiss sisibakin na?
MANILA, Philippines - May posibilidad na magkakaroon ng bagong German coach ang football team ng bansa.
Ayon sa mga mapagkakatiwalaang impormante, di nagustuhan ng pamunuan ng Philippine Football Federation (PFF) ang di magandang ipinakita ng Junior Azkals sa katatapos na 26th SEA Games na minanduhan ni German coach Michael Weiss.
Isang panalo lamang sa limang laro ang nakuha ng koponang binuo ng higit na nakararaming Fil-Foreigners. Pinakasamakit na pagkatalo ay nalasap sa Timor Leste sa 2-1 iskor.
Inako naman ni Weiss ang reponsibilidad sa di magandang kinalabasan ng kampanya sa SEA Games na kung saan mismong ang team manager na si Dan Palami ay naunang naniwalang palaban ang team sa bronze medal.
Kinuha man ang responsibilidad ay hindi rin napigil ni Weiss na sabihan ang mga taong may ipinukol na mataas na ekspektasyon sa koponan na hindi pa nararapat ang ganitong pagtitiwala sa koponan.
“We were going against teams that has been playing together for years,” wika ni Weiss.
Hindi rin niya alintana ang mga ugong-ugong na balita sa napipintong pag-uwi dahil may mga pinaplano siyang programa sa Azkals na sasabak sa AFC Challenge Cup sa susunod na taon.
Pagdalo sa mga training camps sa Gulf Area at Japan bukod pa sa mga friendly matches ang nais niyang gawin sa Azkals upang mas mahubog ito para sa malalaking torneo sa 2012.
Kasalukuyang nasa bansa si German coach Eckhard Krautzun para tulungan ang Philippine Football Federation (PFF) na bumalangkas ng 8-year grassroots program at ito umanong pinakiusapan ng PFF para hilingin sa German Football Association na magpadala ng bagong coach sa Pilipinas.
- Latest
- Trending