POC chief umiwas sa tunay na isyu sa 2011 SEAG
MANILA, Philippines - Nagtago kahapon sa likod ng mga atleta ang Philippine Olympic Committee (POC) ukol sa palpak nitong gold medal projection sa nakaraang 26th Southeast Asian Games sa Indonesia.
Sa halip na sagutin ang katanungan kung bakit 36 gintong medalya lamang ang nakolekta ng Team Philippines sa 2011 SEA Games ay itinuon ni Cojuangco ang kanyang atensyon sa mga national athletes.
“We have nothing but praise and I think we should all be proud of our athletes who participated in the last Southeast Asian Games,” ani Cojuangco. “Makikita mo lahat in winning or losing, either they win or not talagang mga gentlemen. Talagang sport sila.”
Bukod sa 36 golds, humakot rin ang mga atleta ng 56 silver at 77 bronze medals para tumapos bilang sixth placer sa naturang biennial event.
Bago ang 2011 SEA Games, matapang na inihayag nina Cojuangco at Philippine Sports Commission (PSC) chairman Richie Garcia na kokolekta ang mga atleta ng 70 gintong medalya at maaaring lumaban sa Top Three sa overall standings.
Kabuuang 182 gold, 151 silver at 142 bronze medals ang inangkin ng host Indonesia kasunod ang Thailand (107-100-120), Vietnam (96-90-100), Malaysia (59-50-81) at Singapore (42-45-73).
“If you look at it, we sent about 520 athletes at ang total medal natin is 169. If you add them altogether ‘yung mga atleta nating ipinadala, I’ll safely say more then 50 percent of our athletes that went there won some kind of medal,” palusot ni Cojuangco. “Kaya ‘yung mga usapan na debacle, I don’t think its uncalled for eh.”
Ikinadismaya naman ni Sen. Pia Cayetano ang palpak na gold medal projection ng POC at PSC bago ang 2011 SEA Games.
“Kung dati nakaka-puwesto tayo ng first, second or ‘di man third, I can’t understand kung bakit ngayon, 6th place na lang tayo,” gigil na pahayag ni Cayetano, sumasali sa ilang local at international triathlon.
- Latest
- Trending