Eto na naman
Ang kampanya na sinimulan sa mataas na ekspektasyon ay nauwi sa bagsak na antisipasyon.
Inaasahan noon (at walang kurap mata) na sinabi nina Philippine Olympic Committee president Jose ‘Peping’ Cojuangco, Jr. at Philippine Sports Commission chairman Richie Garcia na kukuha ang Pilipinas ng 70 gold medal sa 2011 Southeast Asian Games.
Nanalo lamang ang bansa ng 36 medalyang ginto na hindi pasado sa kanilang inaasahan.
Ang prediksyon ng dalawang opisyal ay isang nakakadismaya at nakakalungkot na isipin kung talagang pagtutuunan natin ito ng pansin, dahil ang ibig sabihin lamang nito ay walang ideya (o walang alam) kung ano ang antas ng mga atletang Pilipino kumpara sa mga kapitbahay nating bansa.
Napakataas ng inaasahan ng bansang Pilipinas sa kampanya natin sa 2011 SEA Games dahil na rin sa mga binigkas ng mga sports leaders na ito. Kung sana ay ibinigay na lamang nila ang totoong senaryo upang hindi na nagmukhang kawawa pa ang mga atletang Pilipino.
Bigo ang kampanya ng swimming, ang sport na dati ay inaasahan ng bansa sa paghakot ng hindi bababa sa apat na gold medal.
Isa pang napansin natin ay mga may edad na ang mga atleta natin kumpara sa mga ibang bansa. Sa tennis na lamang, 35 years old na si Mamiit, habang si John Baylon na pambato natin sa judo ay 46. Para silang mga tatay ng mga kalaban nilang atleta.
Ipinapakita lamang nito na ang mga sports official natin noon at ngayon ay walang nadidiskubre at naipo-produce na mahuhusay na batang atleta.
Iisang ginto lamang ang napanalunan ng dragon boat team. Kung hindi na-disband ang Philippine Dragon Boat Federation, sana ay nakakuha pa tayo ng mas maraming medalya. Ipinapakita lamang na kahit na magagaling ang mga atleta, pero hindi “pet” ng ibang sports official ay balewala rin ang mga ito.
Siyempre, may mga panggulat din sa SEA Games. Ang baseball team na walang pondo (at wala rin namang nakuhang financial support mula sa PSC at POC sa paglahok sa beinnial meet) ay nakakuha ng medalya. Hindi nga sila inaasahan na makakuha ng medalya, pero sila pa ang nag-produce ng medalya.
Sa aking pananaw, patuloy na walang magyayari sa ating sports kung walang pagbabagong mangyayari at patuloy pa rin ang pamumulitika.
Kaya eto na naman tayo. Noon pa ay sinasabi na natin ito. Kinakailangan na magkaroon ng pagrerebisa sa policies ng PSC at POC upang makita natin kung ano ang dapat na baguhin. Maging ang mga pananaw ng mga nakaupo sa dalawang sports agency at sa mga national sports associations ay kinakailangan na baguhin.
Patuloy na mangungulelat ang sports ng Pilipinas kung hindi magkakaroon ng pagbabago na baguhin ang direksyon ng PSC at POC.
****
Ang sabi ang mga NSAs na hindi naging produktibo sa 2011 SEAG ang siyang unang masasampolan ng PSC at POC.
Isa na rito ang PASA na pinamumunuan ni Mark Joseph, na santambak ang anomalya sa kanyang liderato kung bakit nagkawindang-windang ang kampanya.
Kung sana'y ang nawawalang P34M na pondo ng PASA ay nagamit sa maayos hindi sana napilitang magretiro ang mga mahuhusay na Fil-Am swimmers na kinabibilangan ni Miguel Molina, baka hindi nabokya sa gold ang mga Pinoy tankers.
- Latest
- Trending