MANILA, Philippines - Umukit ng mga panalo ang tatlong koponan ng host Perpetual Help para sa magandang panimula sa 87th NCAA indoor volleyball na nagbukas kahapon sa Ninoy Aquino Stadium.
Ipinakita ng bagong setter na si Arianne Argarin ang kanyang husay nang tulungan ang Lady Altas sa 25-10, 25-11, 25-18 panalo laban sa Lyceum Lady Pirates sa tagisan ng mga koponang naglalaro sa semi-commercial league.
Ang panalo ay makakatulong upang tumaas ang morale ng host Perpetual dahil ang Lyceum ay kilala bilang isang kampeon nang naglalaro pa sa women’s NCAA.
“Lyceum is a tough team because they have championship experience while playing in the WNCAA. But this is their first game in the NCAA which is entirely a different level from the other leagues they participated in,” wika ni coach Mike Rafael.
Hindi naman nagpahuli ang kanilang juniors at men’s team na kumuha rin ng straight sets win.
May 25-7, 25-13, 25-16 panalo ang Altas sa Pirates para buksan gamit ang panalo ang hangaring mapanatili ang titulo sa men’s division, habang 25-16, 25-13, 25-16, tagumpay ang ipinoste ng Junior Altas sa Junior Pirates.
Nangibabaw rin ang Arellano, ang 2010 runner-up, laban sa Mapua, 25-17, 25-22, 26-24, habang 25-8, 25-10, 25-9 dominasyon ang ginawa ng Lady Chiefs kontra sa Lady Cardinals.
“I congratulate our team as well as all the participating schools for giving it their best,” wika ng league president na si Anthony Tamayo ng host Perpetual Help sa mga lumahok sa NCAA indoor volleyball.