Palembang, Indonesia — Opisyal nang lumagapak sa No. 6 ang Pilipinas sa overall standings ng 26th Southeast Asian Games matapos mabigong makasikwat ng karagdagang medalya sa huling 12 final events kahapon.
Sa kabuuang 36 gold, 56 silver at 77 bronze medals sa final tally, isinuko ng mga Filipino ang kanilang fifth place finish sa Laos SEA Games noong 2009.
Nasa pang lima ngayong edisyon ng biennial event ang Singapore sa nakolektang 42 gold, 45 silver at 73 bronze medals. Ang 18 gold medals ay nanggaling sa aquatic events.
Inangkin naman ng host Indonesia ang overall championship sa nakolektang 182 sa 552 gold medals na inilatag sa 2011 SEA Games bukod pa ang 151 silver and 142 bronze medals.
Natalo ang Indonesia sa defending football champion Malaysia, 4-5, sa finals sa 80,000-seater Bungkarno stadium sa Jakarta.
Sumegunda ang Thailand sa nalikom na 107 gold, 100 silver at 120 bronze medals kasunod ang Vietnam (96-90-100) Malaysia (59-50-81).
Tumapos bilang No. 7 ang 2013 SEAG host Myanmar (16-27-36) sa itaas ng Laos-PDR (9-12-36), Cambodia (4-11-24), Timor Leste (1-1-6) at Brunei Darussalam (0-4-7).
“My personal expectation was about 50 to 55 gold medals. There were some close calls in our silver medals that could have improved our production. In the case of my association, tennis, I feel that we should have come up with two more gold medals but we fell short. This is also the case in a number of associations,” ani deputy Chef De Mission Romeo Magat ng lawn tennis.
Humataw ang mga netters ng 1 gold, 2 silver at 3 bronze medals.
Sa kabuuang 39 sports disciplines, ang taekwondo ang nakakuha ng pinakamaraming medalya sa 4 gold, 3 silver at 5 bronze medals kasunod ang boxing (4-1-1)n at billiards/snooker (3-2-4).
Ang athletics ay nagtakbo ng 2 gold, 9 silver at 5 bronze medals kasunod ang wushu, wrestling, cycling at softball na may tig-dalawang gold medals.
Nag-ambag rin ng mga ginto ang mga Filipino athletes mula sa bridge at sport climbing.
Hindi naman nakapagbigay ng gold medal ang swimming, shooting, at gymnastics.
Ang 54-anyos na si Francisco Sainz Alquiros ay kumuha ng 2 gold at 1 silver medal sa bridge event na mas mataas sa natumbok na dalawang gold ni cue artist Iris Ranola buhat sa 8-ball at 9-ball singles.