PALEMBANG, Indonesia --- Malamang na maulit pa ang mahinang ipinakita ng swimming team sa 2013 Myanmar SEA Games.
Ito ay matapos ihayag ni coach Pinky Brosas na sa 2015 SEA Games pa lalabas ang tikas ng kasalukuyang swimmers na nabigong makapag-uwi ng medalyang ginto dito sa 26th edisyon.
“After the 2013 SEA Games, we will have a very strong team. Sina Jessie Lacuna, Jose Gonzales and Jasmine Alkhaldi will be seniors by that time and they will be in their peak. Right now majority of our swimmers are under 20 years old,” wika ni Brosas.
Dalawang silver medal nina Lacuna at Dorothy Hong ang pinakamataas na medalyang naabot ng koponan na tumapos sa pamamayagpag ng Philippine Amateur Swimming Association (PASA) mula sa 2005 SEA Games.
Ang grupo ni Miguel Molina ay naghatid ng apat na golds noong 2005 Philippine SEAG, walo noong 2007 sa Thailand at apat noong 2009 sa Laos.
Nangunang muli ang Singapore taglay ang 17 gold, 9 silver at 13 bronze medals.
Wala pang nakikitang kinang si Brosas kung 2013 SEA Games ang pag-uusapan kaya nagbabalak siyang ibalik ang ilang nagretiro ng swimmers para tumulong.
Ang PASA, sa pamumuno ni Mark Joseph, ay tumanggap ng milyun-milyong pondo mula sa PSC at PAGCOR para sa kanilang swimming development.