Sinag Pilipinas puntirya ang gold sa men's basketball
JAKARTA, Indonesia --- Tinalo na ng Sinag Pilipinas ang Thailand sa elimination round ngunit para kay coach Norman Black, bilog ang bola at di dapat magkumpiyansa.
“We can’t take any team for granted. For us to win, we need to work hard,” wika ni Black.
Sasagupain ng Pilipinas ang Thailand ngayong alas-7 ng gabi dito sa Britama Arena para sa gintong medalya sa 26th SEA Games men’s basketball.
May 4-0 karta ang koponan at dinurog ang oposisyon sa pamamagitan ng 41-point winning margin.
Ang Thais ay kanilang inilampaso, 103-69, sa group elimination.
“Our goal is to win the championship,” dagdag pa ni Black.
Lahat ng ginagamit ng UAAP champion coach ay tumutulong at iba’t-ibang manlalaro ang siyang lumalabas na highest pointer sa mga nagdaang laro patunay kung gaano kalalim ang kanyang koponan.
Ngunit alam ni Black na may kakayahang manalo ang Thais dahil may mahuhusay silang point guards bukod sa katotohanang ang kanilang malalaking players ay may husay kung pagbuslo sa labas ang pag-uusapan.
“We really have to work hard in containing their guards when they come off with those screens. But at the same time we have to be able to get back at their big men to keep them from popping up with their jump shots and three points,” paliwanag pa ni Black.
Tangka ng Pilipinas na sungkitin ang ika-15 ginto sa 16 edisyon na isinama ang basketball sa SEA Games.
Nagsimula ang basketball sa SEAG mula noong 1977 pero hindi nailaro ang team sport sa 2005 Philippine SEAG at noong 2009 sa Laos.
Ang tanging kabiguan na nalasap ng bansa ay noong 1989 sa host Malaysia pero matapos nito ay pinanalunan ng ipinadalang team ang sumunod na pitong edisyon.
Huling titulo ay nangyari noong 2007 sa Thailand at winalis ng mga Pinoy ang kalaban gamit ang 42-point winning average.
- Latest
- Trending