PALEMBANG, Indonesia --- Dalawang beses na tinugtog ang Pambansang Awit dito sa Jakabaring Sports Complex nang walisin ng Blu Boys at Blu Girls ang dalawang gintong medalya sa softball competition ng 26th SEA Games.
Nakitaan ng katatagan ang men’s team na isinantabi ang 1-3 pagkakabaon matapos ang tatlong innings patungo sa 7-3 panalo laban sa host Indonesia.
“Kahit down tayo ng two runs ay hindi ako nawalan ng tiwala at laban pa rin dahil alam ko atin pa rin ito,” wika ni pitcher Florante Acuna.
Iba’t-ibang bola ang ibinigay ni Acuna dahilan upang hindi na nakaiskor pa ang host team.
Sa kabilang banda, tumabla ang Pilipinas sa fifth inning nang nakadalawang runs bago humataw ng tatlo sa sixth at tinapos ang laro ng isa pang run sa seventh.
“Noong nakalubog tayo sa 1-3, sabi ko kailangan natin ng break of the game at nang nakuha, nagtuluy-tuloy na ang magandang laro ng mga bata,” wika ni coach Roberto Ituralde sa kanyang kauna-unahang SEAG gold medal.
Bago ang finals ay naghati ang dalawang bansa sa tig-isang panalo dahil naunang humirit ng 4-2 panalo sa eliminasyon ang Indonesia bago bumawi ang Pilipinas, 2-1, sa pagsisimula ng Page System.
“Ang unang pagkatalo namin sa kanila ang nagsilbing motibasyon ng team. Mas naging desidido sila na makuha ang ginto para sa bayan,” ani Ituralde na pinasalamatan ang suporta ni ASAPhil president Jean Henri Lhuillier na siyang gumastos sa biyahe ng men’s team.
Naunang kuminang ang women’s team nang durugin ang Thailand, 6-0.
Si Julie Marie Muyco ang pitcher ng pambansang koponan ay nagbigay lamang ng tatlong hits at may 12 strikeouts para ipakita ang dominasyon sa Thais.
May 13 hits naman ang Blu Girls na tinapos ang laban sa unang inning pa lamang matapos magpasok ng tatlong runs.
“Marami ang naniniwalang mananalo uli kami rito kaya ginawa namin ang dapat gawin para masuklian ang pagtitiwala sa amin,” sabi ni women’s coach Ana Santiago.