Pinas tumubog ng 4 gold sa boxing at softball
PALEMBANG, Indonesia --- Matagumpay na pagdepensa sa hawak na titulo ang ginawa nina lady pugs Josie Gabuco at Alice Kate Aparri upang bigyan na ng dalawang ginto ang kampanya ng national boxing team sa 26th SEA Games kagabi dito.
Lumabas ang husay sa ring at pinaglaruan lamang nina pinweight Gabuco at light flyweight Aparri sina Trinh Thi Diem Kei ng Vietnam at Thet Htar San ng Myanmar, ayon sa pagkakasunod, para samahan ang Blu Boys at Blu Girls na naunang winalis ang mga gintong medalya sa larangan ng softball.
Isang 18-5 iskor ang kinuha ni Gabuco laban kay Kei at sa unang tatlong rounds at talagang bugbug sarado ang Vietnamese boxer dahil umabante agad ang pambato ng Pilipinas sa 12-3 iskor.
Wala ring hirap na 20-4 panalo ang kinuha ni Aparri kay Thet na nakaiskor lamang ng tig-isang puntos sa apat na rounds na bakbakan.
Natalo si Nesthy Petecio kay Peamwliai Laopeam ng Thailand sa finals, 10-16, sa bantamweight para sa kanyang silver.
Bago makuha ang dalawang ginto ay nagpasikat muna ang softball teams na pinangunahan nina pitchers Florante Acuna at Julie Marie Muyco para pataubin ang Indonesia at Thailand sa finals ng magkabilang dibisyon.
Nakitaan ng husay ang mga pitchers na sina Acuna at Muyco upang pangunahan ang paghablot ng dalawang ginto para patunayan na ang Pilipinas pa rin ang hari sa team sport na ito sa Southeast Asia.
Nagpakatatag si Acuna matapos makuha ng host Indonesia ang 1-3 kalamangan sa pagtatapos ng ikatlong inning at hindi niya paiskorin ang home team, habang ang mga batters ay kumolekta ng anim na runs tungo sa 7-3 panalo.
Mas madali namam ang tinahak na landas ng Blu Girls nang magbigay lamang ng tatlong hits at humirit ng 12 strikeouts si Muyco para sa 6-0 shutout win laban sa Thailand.
Ang Pilipinas ay mayroon ngayong 23 gold, 41 silver at 59 bronze medal pero kung maaabutan pa ang pumapanlimang Singapore ay isa pang malaking katanungan dahil ang nasabing bansa ay angat ng 17 gold sa 39-41-70 medal tally.
Malayo na ang Indonesia sa 137 gold,109 silver at 100 bronze medals, habang ang Thailand ang pumapangalawa sa 81-76-90 at angat ng apat sa Vietnam na nalaglag sa ikatlo sa 77-72-76 medal tally. Ang Malaysia ang nasa ikaapat sa 47-43-63 medal tally.
Tig-isang silver naman ang ambag ng equestrian show jumping team nina Michelle Barrera, Toni Leviste, Diego Lorenzo at Joker Arroyo, ang international 470 class sailing tandem nina Rommel Chavez at Ridgely Balladers at ni sprint cylist Filipina-Aussie Apryl Eppinger sa 500m race.
Nalalagay sa alanganin ang paghahabol ng bansa matapos masibak ang mga tinitingala sa tennis, judo at billiards na sina Fil-Am Cecil Mamiit, John Baylon at Francisco “Django” Bustamante laban sa mga local bets.
Natalo si Mamiit, naghari noong 2005, 2007 at 2009, kay Christopher Benjamin Rungkat, 6-2, 4-6, 7-6 (6), sa semifinals para sa bronze medal.
- Latest
- Trending