Petron pinagtibay ang kapit sa ikatlong puwesto makaraang payukurin ang Barako Bull Energy
MANILA, Philippines - Nilimitahan ng Petron Blaze ang Barako Bull sa apat na puntos sa huling tatlong minuto upang hagipin ang 75-66 tagumpay sa elimination round ng 2011-2012 PBA Philippine Cup kagabi sa Araneta Coliseum.
May 21 puntos mula sa bench si Denok Miranda at ang kanyang three-point shot ang tumapos sa 9-0 bomba na nagtulak sa kanyang koponan mula sa 60-62 iskor patungo sa 69-62 kalamangan may 2:30 sa orasan.
“Ang inilaro ni Denok ay kagaya ng kanyang inilaro sa championship game last conference. Off ‘yung shooters namin but Denok stepped up. Lordy Tugade also stepped up and he’s a big help,” wika ni head coach Ato Agustin na winalis rin ang head-to-head nila ni Barako coach Junel Baculi matapos ang 95-83 tagumpay sa una nilang pagtutuos.
Si Tugade na sumabak sa unang laro matapos malagay sa injury list ay mayroong 11 puntos.
Siyam rito ay ginawa ni Tugade sa first half dahilan upang makahabol ang Petron mula sa 10-puntos pagkakalubog sa Barako Bull papunta sa 51-52 paghahabol sa halftime
Mula rito ay palitan ng momentum ang nakita sa laro ngunit sa huli ay pumanig ito sa Petron para manatiling nakadikit sa mga nangungunang Talk N’ Text at Rain Or Shine sa karera para sa dalawang outright berths sa semifinal round ng season-opening conference.
May 7-1 rekord ang Talk ‘N Text kasunod ang Rain or Shine (7-2), Petron Blaze (7-3), Meralco (6-4), Barako Bull (5-4), B-Meg (5-4), Ginebra (4-4), Powerade (3-6), Alaska (1-7) at Shopinas.com (0-10).
Nag-ambag si Arwind Santos ng 15 points para sa Boosters.
Kasalukuyan pang naglalaro ang Tigers at ang Aces habang isinusulat ito.
- Latest
- Trending