PALEMBANG, Indonesia --- Isang silver medal ang nakuha ng mga Filipino athletes sa bridge event ng 26th Southeast Asian Games dito kagabi.
Ang pilak ay kinuha sa mixed pair ng bridge event nang matalo sa Thailand.
Mga panalo naman sa men’s basketball, nina lady boxers Josie Gabuco at Alice Kate Aparri at cue master Francisco “Django” Bustamante sa semifinals ang nagbibigay hininga sa asam ng Pilipinas na magkaroon ng disenteng pagtatapos sa 2011 SEA Games.
Bokya sa ginto ang Team Phl kahapon at ang men’s soft tennis team lamang ang namuro pero kinapos sa asam na ginto nang matalo sa Indonesia, 2-0, na nilaro sa Bukit Asam Tennis Court dito sa Jakabaring Sports Complex.
Ang huling ginto ay galing kina Francisco Sainz Alquiros at Gemma Mariano Tan sa mixed buttlers sa bridge event noong Huwebes ng gabi.
Ang men’s sabre team na binubuo nina Walbert Mendoza, Gian Carlo Nocom, Eric Brando II at Edmon Velez ay nakuntento sa bronze medal nang matalo sa Malaysia, 33-45, sa men’s team sabre.
Bronze medal rin ang ang nasungkit nina Samantha Bermudez, Mark Griffin at Carlo dela Torre sa mixed team sa wakeboard na kabahagi ng water ski.
Ang araw ay binulaga ng masamang balita nang hindi pinasali ang mga pambato at sinasabing patok sa BMX na sina Fil-Americans Alexis Manosa at Daniel Patrick Manabat dahil sa pagkakaroon ng American at Filipino UCI licenses.
Hindi tinanggap ng organizers ang paliwanag ng mga local officials kung bakit nagkaganito ang lisensya ng mga kinatawan ng bansa upang mawalan agad ng dagdag medalya ang bansa.
Napako pa sa 19 ang gintong napanalunan ng bansa at isama pa ang 34 silver at 45 bronze medals ay nananatiling nasa ikaanim ang Pilipinas sa overall standings.
Malayo na ang host Indonesia sa 118-90-81, habang ang Vietnam (70-66-66), Thailand (67-60-73) at Malaysia (40-40-53) ang nasa ikalawa hanggang ikaapat na puwesto, ayon sa pagkakasunod.
Malaki pa rin ang laban ng Pilipinas dahil umusad ang ibang lahok sa finals.
Nanguna ang basketball na dinurog ang Malaysia, 103-74, sa semifinals upang pawiin ang pait na dulot ng 75-73 kabiguan sa overtime ng women’s team sa Thailand sa kanilang bakbakan para sa ginto sa kanilang dibisyon.
Tinalo nina women’s pinweight Josie Gabuco at light flyweight Alice Kate Aparri ang mga katunggaling Indonesian pugs na sina Apriliany Pricilia at Selly Wanimbo para samahan si bantamweight Nesthy Petecio sa finals na lalaruin ngayong hapon.