MANILA, Philippines - Naipasok ng Café France ang mga tres upang makabangon mula sa 18 puntos pagkakalubog at kunin ang 78-73 panalo sa Cobra Energy Drink sa PBA D-League Aspirants Cup kahapon sa FEU Gym.
Ang magkasunod na tres ni Mac Montilla ang bumulaga sa pagbubukas ng fourth period para makuha ng Bakers ang kalamangan.
Si Jeff Viernes naman ang nagpasok ng mas mahalagang tres upang mailayo sa 73-69 ang Bakers sa huling minuto ng labanan laban sa Ironmen.
“Naipakita namin na kaya naming manalo sa ligang ito,” pahayag ni Edgar Macaraya.
Pinawi rin ng panalong ito ang mapait na 80-76 pagkatalo noong Lunes sa kamay ng RnW Pacific Pipes sa larong nakalamang sila ng doble-pigura papasok sa huling yugto.
Nalaglag sa 0-4 karta ang Ironmen gayong lumayo agad sila sa 24-6 at 27-9 sa unang yugto.
Kampante pa rin silang nangunguna sa 16 puntos, 48-32, nang magpakawala ang Bakers ng 26-11 run sa third period.