Taekwondo jins nakatutok sa 2012 Olympic Games
MANILA, Philippines - Matapos ang matagumpay na kampanya sa 26th SEA Games sa Indonesia, apat na jins na nanalo ng medalya ang magpupuntirya na makakuha ng puwesto sa 2012 London Olympics.
Sina John Paul Lizardo, Camille Manalo, Kirstie Elaine Alora at Samuel Morrison ang mga ipanlalaban ng Pilipinas sa Asian Olympic Qualifying Taekwondo tournament sa Bangkok, Thailand.
Ito ang huling torneo na puwedeng magpasok ng jins ang mga Asian countries na nakatakda sa Nobyembre 26-27.
Dapat isinagawa ang nasabing kompetisyon noong Nobyembre 14 hanggang 16 pero pinagpaliban dahil sa malawakang pagbaha sa nasabing bansa.
“Our jins are in high spirits after the SEA Games that was a very good build up for us,” wika ni coach Rocky Samson.
Si Lizardo ay nanalo ng ginto sa men’s flyweight, habang sina Aloro at Manalo ay namayani sa women’s heavyweight at lightweight, ayon sa pagkakasunod.
Si Morrison ay nag-uwi naman ng bronze medal sa men’s featherweight upang ang jins na inilaban sa Indonesia ay maghatid ng apat na ginto, tatlong pilak at limang tansong medalya.
Ito ang ikalawang pagkakataon na magtatangka si Lizardo na makapasok sa Olympics dahil kabilang siya sa mga naglaro sa World Qualifying kasama nina Marlon Avenido, Jyra Lizardo at Jade Zarfa.
Para makapasok sa 2012 London Games, kailangang tumapos ang mga ito sa unang tatlong puwesto sa kanilang paglalaruang dibisyon.
Si 2004 at Greece at 2008 Beijing Olympian Toni Rivero ay hindi makakasama dahil nagkaroon ito ng ACL injury sa kanyang kanang tuhod.
Lumiban sa 2010 Asian Games dahil sa ACL sa kaliwang tuhod, nagtangka si Rivero na bumalik sa kompetisyon pero minalas na na-injured matapos ang training sa Korea.
- Latest
- Trending