Sinag Pilipinas nagningning sa 26th sea games
JAKARTA, Indonesia -- Katulad ng dapat asahan, magarang pagbubukas ang ginawa ng men’s national basketball team sa 26th SEA Games nang ilampaso ang Cambodia, 127-68, sa Britama Arena kahapon dito.
Lahat ng 12 Sinag Pilipinas players na ginamit ni coach Norman Black ay umiskor para sa koponang nagbabalak na ibigay sa bansa ang ika-15th titulo sa SEA Games mula noong 1977.
Isang beses lamang nawala ang titulo sa Pilipinas na nangyari noong 1989 sa Kuala Lumpur, Malaysia at huling nagkampeon ang pambansang koponan noong 2007 sa Thailand nang walisin ang kompetisyon sa bisa ng 42-point winning margin.
“We really don’t know much about the Cambodians and basically, we set our offense on motion in the game,” Black.
Binulaga ng Pilipinas ang katunggali sa first period nang umiskor ng 35 puntos tungo sa 15 puntos kalamangan.
Mula rito ay wala ng naging problema pa ang koponan at tinapos ang laro sa pag-iskor ng 32 at 34 puntos sa huling dalawang yugto.
Si Kiefer Ravena ay mayroong 17 puntos, mula sa 8-of-8 shooting, para pangunahan ang pitong manlalaro na may mahigit na 10 puntos para maagang makasalo ng Pilipinas ang Thailand sa liderato sa Group A.
“It’s our first game and we didn’t really know much about Cambodia. We found out immediately that they have three good players. They played competitively in the first half,” said Black.
Maningning na simula rin ang ipinakita ng Thailand, ang mahigpit na karibal ng Pilipinas sa titulo, nang durugin ang Vietnam, 85-54, sa isa pang laro.
Naging doble ang selebrasyon dahil nanaig rin ang women’s team kontra sa nagdedepensang kampeon na Malaysia, 64-56.
Binuksan ng tropang hawak ni coach Haydee Ong ang labanan sa 16-2 at mula rito ay hindi na nilingon ang kalaban para mapalakas ang paghahabol sa kauna-unahang titulo sa women’s basketball event sa SEAG.
Phl 127 - Ravena 17, Garcia 16, Lanete 15, Salva 14, Marcelo 12, Ellis 12, Parks 10, Tiu 9, Hodge 9, Pascual 6, Slaughter 5, Monfort 2.
Cambodia 68 - Sophoeun 24, Pek 24, Boroth 15, Kim 3, Mohn 2, Chom 0, Therro 0, Lov 0, Kim R. 0, Meas 0, Sovann 0.
Quarterscores: 35-20; 61-39; 93-56; 127-68.
- Latest
- Trending