PALEMBANG, Indonesia — Hindi naging maganda ang kampanya ng mga Pinoy athletes sa buong maghapon matapos na hindi gumalaw ang nalikom na gintong medalya sa 26th Southeast Asian Games.
Huling tumugtog ang Pambansang awit sa Jakabaring Athletics Stadium nang ibigay ni Rene Herrera ang ikaapat na gold ng bansa noong Sabado ng gabi dito.
Inangkin ng reigning champion na si Herrera ang pangalawang gold mula sa athletics nang matagumpay na maidepensa ang kanyang korona sa men’s 3,000-meter steeplechase sa paglista ng walong minuto at 52.23 segundo na sumilat sa pambato ng host team na si Muhammad Al Quraisy (8:55.91) at Nguyen Dang Duc Bao ng Vietnam (8:57.88).
’Medyo nag-adjust ako kasi umulan at madulas ang track, pero nakontrol ko rin,” ani Herrera na inaalay ang kanyang panalo sa kanilang pangulo na si Go Teng Kok.
Bukod kay Herrera, nauna ng nagsubi ng ginto ang Asian champion na si Marestella Torres sa pagwasak ng kanyang SEAG record mula sa paglundag niya ng 6.71-m sa women’s long jump event.
Ang iba pang gold medalist ng bansa ay sina Camille Manalo (women's 62-kilogram) ang trio nina Camille Alarilla, Janice Lagman at Rani Ann Ortega (women’s poomsae) sa taekwondo competition.