Filipino Athletes nahirapang kumuha ng ginto
PALEMBANG, Indonesia --- Naging mailap ang gintong medalya sa mga pambatong atleta ng bansa nang malaglag sa ikaanim na puwesto sa team standings sa ikalawang araw ng kompetisyon sa 26th SEA Games dito.
Si Youth Olympic Games veteran Jessie King Lacuna at sina divers Jaime Asok at Ryan Rexel Fabriga ang muntik nang makasikwat ng ginto pero kinapos sa kanilang mga laban sa pool events sa Jakabaring Aquatics Centre.
Si Lacuna ay tumapos sa paboritong 200-meter freestyle event sa tiyempong 01:52.23 para sa silver medal sa event na dinomina ng Singaporean na si Yeo Kai Quan sa kanyang bilis na 1:51.07.
May 344.51 puntos sina Asok at Fabriga sa 10m synchronzed platform event pero naiwanan sila ng mas mahusay na lahok na sina Muhammad Nasrullah at Luthfi Niko Abdill ng host Indonesia na may 378.12 puntos.
Sina Sheila Mae Perez at Ceseil Domenios ay lumaban sa female 3m synchronized springboard event pero tumapos lamang sa bronze medal sa mula kanilang 243.12 puntos.
Lumaban rin ang mga lahok ng bansa sa cycling, taekwondo at karatedo, ngunit ang kanilang pinakamatinding laban ay sapat lang para sa bronze medal.
Kumarera si Niño Surban sa mountain bike cross country sa Gunung Pancar sa West Java at naorasan ng 1:35.37 para sa tanso na kapos ng mahigit na anim na segundo sa nanalong si Chandra Rafsanjani ng Indonesia na may 1:29.08.
Bigo naman sina Samuel Tomas Morrison at Karla Alava na dagdagan ang dalawang ginto na naibigay ng women’s poomsae team at ni Camille Manalo nang matalo sa semifinals.
Minalas si Morrison na naunahan ni Kongpon Koomkrong sa extra round upang maisuko ang 4-5 kabiguan sa men’s 68 kilogram na pinaglabanan sa POPKI Sports Hall sa Cibubur.
Hindi nakaporma si Karla Jane Alava kay Lia Karina Mansur ng Indonesia tungo sa 4-0 pagkatalo sa women’s featherweight division.
Sina Mae Soriano at Jason Ramil Macaalay ay bumangon naman sa repecharge sa individual kumite men’s under-60 kgs at female under-55 kilograms, ayon sa pagkakasunod, para magkaroon na ng karatedo team na binalot ng problema sa liderato.
- Latest
- Trending