Pinay athletes nagningning sa 26TH Sea games
PALEMBANG, Indonesia --- Namayani ang husay ng mga kababaihang atleta ng Pilipinas nang balikatin nila ang tatlong ginto na sinungkit ng pambansang koponan sa pagbubukas ng aksyon sa 26th SEA Games na hinati-hati sa tatlong magkakaibang lugar sa Indonesia.
Si MarestellaTorres ang lumutang sa mga nanalo sa unang araw ng kompetisyon nang wasakin niya ang hawak na record sa women’s long jump, habang ang mga naggagandahang sina Rani Ann Ortega, Francesca Camille Alarilla at Maria Carla Janice Lagman at si Camille Manalo ay naghatid ng dalawang ginto sa larangan ng taekwondo.
Lumundag sa 6.71 metro si Torres sa kanyang pangatlong attempt na ginawa sa Jakabaring Sports City upang tabunan ang dating record na 6.68m na ginawa sa Laos SEA Games tungo sa pang apat na sunod na ginto sa nasabing regional games.
Ang marka ay nagbigay din ng tiket sa 30-anyos tubong San Jose Negros Occidental patungong London Olympics dahil ang 6.71m marka ay lampas sa 6.65 meters Olympic qualifying B standard.
Ang 20-anyos na si Katherine Santos na bagito sa SEAG ay nagpakita ng senyales bilang posibleng kapalit ni Torres nang kunin ang bronze medal sa 6.25m lundag.
Dalawang bansa lamang ang nagtagisan sa women’s poomsae event pero de-kalidad ang mga ito dahil katunggali ng Pilipinas na siyang nagdedepensang kampeon, ang Vietnam na nanguna sa World Poomsae Championships.
Sa pagkakataong ito ay mas sistemado ang ipinakita ng lahok ng bansa para makakuha ang ginto tangan ang 8.26 puntos average o .5 puntos kalamangan sa Vietnamese jins na sina Thi Le Kim Nguyen, Thi Thu Ngan Nguyen at Tuyet Van Chao.
Dalawang beses pinatugtog ang pambansang awit sa POPKI Sports Zmall sa Cibubur dahil si Manalo ay nanalo sa hamon ni Nguyen Thanh Thao ng Vietnam, 8-3, sa finals sa women’s lightweight division.
Ang delegasyon ng taekwondo na nagbabalak na mag-uwi ng hindi bababa ng apat na ginto, ang pinakaproduktibong delegasyon dahil may isang pilak at bronze medal pa ang naipagkaloob sa men’s individual at mixed pair sa poomsae.
Ang 17-anyos na si Vidal Marvin Gabriel ang siyang namuno sa dalawang medalyang ito dahil sila ni Shaneen Ched Sia ay nanalo ng pilak sa mixed pair habang bronze naman sa men’s individual ang naibulsa pa ni Gabriel na isang silver medalist sa World Championship.
Si Joey Barba ang pumedal ng unang medalya ng Pilipinas sa larangan ng mountain bike, habang ang karateka na si OJ Delos Santos ay nagbitbit ng bronze medal sa kata.
May 2:32.44 tiyempo si Barba sa 1.5-k downhill race na ginawa sa Gunung Pencar sa Sentul City, West Java at kinapos lamang ng halos isang segundo sa nanalo na si Pornomo Pornomo ng Indonesia na may 2:31.45.
Makulay na debut sa SEA Games ang ginawa ni Delos Santos nang talunin niya si Myint Zaw Oo ng Myanmar sa repecharge patungo sa bronze medal sa men’s individual kata.
Tangan ang 3-2-4 medal tally, nalalagay ngayon ang Pilipinas sa pang limang puwesto sa karera na dinodomina ng host Indonesia na mayroong 13 ginto, 10 pilak at 1 tansong medalya.
Pumapangalawa ang Singapore sa 4-4-6 bago sinundan ng Vietnam sa 3-4-3 at Thailand sa 3-2-7.
Hindi naman sinuwerte ang ibang inaasahan tulad nina Jayson Valdez at Emerito Concepcion nang tumapos lamang sa ika-11th at 12th puwesto sa 10-m air rifle event tangan ang 577 at 576 puntos, na ginawa sa shooting court sa Jakabaring Sports Complex.
Si Nathaniel “Tac” Padilla na gold medalist sa Laos SEA Games sa rapid fire ay nabigo sa 25-m standard pistol nang tumapos lamang sa ikaanim na puwesto sa 556 puntos.
Nalagay naman sa panganib ang hangaring maidepensa ang titulo sa men’s softball nang matalo ang Blu Boys sa host Indonesia, 4-2.
Binawi naman ito ng Blu Girls nang durugin ang Thailand, 10-1, sa women’s division.
- Latest
- Trending